PNP, PDEA nagsagawa ng ‘Oplan Galugad’ sa Tarlac Provincial Jail

0
101

LUNGSOD NG TARLAC — Nagsagawa ng “Oplan Galugad” ang Philippine National Police o PNP at Philippine Drug Enforcement Agency sa Tarlac Provincial Jail.

Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na wakasan ang paglaganap ng iligal na droga sa bansa kabilang ang mga bilangguan.

Ayon kay PNP Provincial Director Police Colonel Jesus Rebua, ang Oplan Galugad ay regular na isinasagawa na may pangunahing layunin na puksain ang paglaganap ng mga iligal na droga.

Gayundin ang iba pang kontrabando kabilang ang mga bladed weapons at mga iligal na bagay sa loob ng mga bilangguan na maaaring maging sanhi ng pinsala hindi lamang sa mga bilanggo kundi pati na rin sa mga jail personnel.

Kabilang sa mga nakumpiska ang 10 cutters, 14 na scissors, 12 disposable lighters, 4 na screw drivers, 4 na metrong nylon rope, 2 pliers, 1 insecticide at 8 pakete ng blade.

Pahayag pa ni Rebua, bago isinagawa ang naturang operasyon ay nagkaroon ng koordinasyon at diskusyon ang mga concerned agencies upang patuloy na itaguyod at palakasin ang programa.

Dagdag pa niya,patuloy nilang ipapatupad ang programang ito bilang bahagi ng kanilang mandato na ipatupad ang lahat ng mga batas at ordinansa kaugnay sa proteksyon ng buhay, pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan at pag-imbestiga at pagsupil sa mga krimen.

Source: PIA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here