Pondo sa pagkuha ng mga bagong guro, pinuna ng ilang senador

0
113
Opinion Column by Thony DP Arcenal.

MGA kabayan labis na nangangamba ang ilang senador na posibleng maabala ang pag-aaral ng ilang senior high school students kung gigipitin ang pondo para sa voucher system sa budget ng Department of Education sa susunod na taon.

Sa katatapos na deliberasyon ng 2021 proposed budget, sinabi ni Senadora Pia Cayetano, sponsor ng DepEd budget na nasa 1.3 milyon ang benepisyaryo ng kasalukuyang voucher system na pinondohan ng P23.9 billion.

Malinaw kasi mga ’igan na ang proposed 2021 budget na nasa P13.7 billion lamang ang nakaprogramang pondo habang ang P10 bilyon ay inilagay sa ilalim ng unprogrammed funds.

Nagpahayag rin ng pagkabahala si Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Sherwin Gatchalian sa kakapusan ng pondo para sa voucher system.

Kaya naman sinilip ni Gatchalian ang pondong inilaan sa ahensiya para sa pagkuha ng mga bagong guro.

Pinuna ng senador na hanggang sa kasalukuyan ay nasa 51,315 ang unfilled positions sa DepEd na kinabibilangan ng 30,887 teaching positions 8,743 teaching-related positions at 11,685 non-teaching-related positions.

Base sa teaching position, hanggang noong November 5 na datos, nasa 16,000 ang bakante para sa Teacher 1; 7,547 sa Teacher 2; 3,900 sa Teacher 3; 1,353 sa Master Teacher 1 at 788 sa Master Teacher 2.

Subalit mga kabayan sa proposed 2021 budget ng DepEd, muli itong humihingi ng salapi para sa dagdag na 7,000 Teacher 1 positions.

Iginiit ni Gatchalian na kung ang 16,000 na bakanteng posisyon sa mga nakalipas na taon ay hindi mapunan ng DepEd, paano nila gagastusin ang dagdag na pondo para sa bagong mga guro sa susunod na taon?

Ipinunto ng senador na maaaring gamitin ang pondong ito sa voucher system.

Sa interpelasyon naman ni Senador Ralph Recto, inirekomenda nito na tingnan ang budget ng ibang ahensiya na maaari namang makakuha ng loan at ilipat ang unprogrammed projects sa mga ahensiyang ito habang tiyaking nasa line item ang lahat ng kailangang pondo para sa edukasyon.

’Igan, inihalimbawa ni  Recto ang Covid-19 vaccination program sa ilalim ng Department of Health na maaaring ilagay sa unprogrammed fund dahil posible itong idaan sa utang.

Tinukoy rin niya na ang ilang programa sa ilalim ng Department of Transportation at Department of Public Works and Highways na kadalasan ding nabibigyan ng pondo sa pamamagitan ng loan.

Matindi rin nga naman itong mga taga DepEd dahil matapos bumili ng bagong mga sasakyan para sa mga sikat nilang opisyal, heto at humihing na naman ng pondo para sa susunod na taon.

Haisssssst, alam kaya ng  mga senador na maraming guro ngayon ang  umanoy tumaas ang teaching career sa paggamit ng pekeng Transcript of Record o TOR.

Sa ating mga senador, pakisilip n’yo nga po muna ang mga guro na gumagamit ng fake TOR at imbestigahan partikular ang lalawigan Bulacan.

Anyway, abangan natin ang mga susunod na kabanata kung may politiko na magbubukas sa isyu fake TOR ng mga guro sa buong bansa, isama na rin ang paggamit ng Fake TOR ng ilang kawani ng pamahalaan.

Para sa inyong reklamo at reaksyon mag-send lamang sa thony.arcenal@gmail.com. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here