Home EXTRAFONTS Presyo ng sili, mas mahal pa kaysa bigas

Presyo ng sili, mas mahal pa kaysa bigas

224
0
SHARE
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

KUNG napapagawi kayo sa palengke, magtanong kayo sa mga tindera ng gulay kung magkano ang halaga ng siling-pula na ang karaniwang variety ay tinawag na ‘tari”. Mantakin n’yo na ang halaga ng sili sa pamilihan ay umabot na sa P300 hanggang P400 kada kilo.

Kaya nagkakahalaga ng halos fifty centavos ang halaga ng bawat piraso ng sili kung bibili ng tingi sa palengke o tiangge. Mas mataas pa ang presyo ng sili kumpara sa bigas na P50 hanggang P70 ang presyo kada kilo sa merkado.

Alam ninyo, ang lupa saanmang dako ng Pilipinas ay mataba (fertile) kaya iyang buto ng sili (seeds) kapag itinapon sa lupa ay kusang tutubo. Kaya kahit sa paso o sirang balde o timba na punuin mo ng lupa at taniman ng buto ng sili ay tiyak na tutubo.

Hindi naman maselan ang sili kapag itinanim. Sa loob lang ng ilang linggo mula sa pagkakatanim ay mamumulaklak na ang mga punong sili at maghintay lang ng ilang araw ay mamumunga na ang mga iyon hanggang sa mahinog ang mga bunga.

Bakit ka pa bibili ng sili kung puwede ka namang magtanim? Bumili ka na lang ng buto o binhi ng sili kung anong variety ang gustong itanim at tiyak na ikaw ay aani ng sagana sa sili na iyong itatanim.

Hindi lang sili ang puwedeng itanim sa iyong bakuran, Kahit ang kamatis at iba pang uri ng gulay ay tumutubo sa paso kaya ang mga masisipag magtanim ng gulay at iba pang pananim ay malaki ang natitipid sa kanilang badyet.

Iyang luya, bawang at sibuyas ay pwede ring itanim sa paso o sa lumang timba, sirang batya. Basta’t maabilidad ka lang ay maraming makukuhang pakinabang sa pagtatanim.

Hindi naman kailangan ang malawak na taniman para ikaw ay makapagtanim ng sili. Basta’t may bakante kanglugar na mapaglalagyan ng paso na tataniman ng sili, ay nagkatalo na. Pagkatanim ng binhi ng sili at iyon ay yumubo, maghihintay ka na lang na magbunga ang iyong tanim at tiyak na aani ka ng maraming sili.

Mas maraming paso na mapagtataniman ay mas maraming sili ang iyong aanihin kaya ano pa ang hinihintay nyo, magtanim na ng sili.

Huwag hayaang maging ‘presyong ginto’ ang halaga ng sili. Magtanim kayo sa inyong mga lalo na ngayong hindi naman tag-araw. Kaya kung kayo man ay nagtatanim ng gulay sa inyong bakuran, huwag kaligtaang isama angsili sa inyong itatanim upang hindi kayo kumagat sa mataas na presyo ng sili sa pamilihan. (RONDA Balita Online News)

SHARE
Previous articleCong. Jose Antonio “Kuya” Sy-Alvarado supports SAP Go
Next articleCCTV cam sa mga kalye ng Pandi at ang matagumpay na festival sa LSJDM
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here