Home National News Presyo sa mga komersiyal na bigas, inilatag na ng NFA, DTI sa...

Presyo sa mga komersiyal na bigas, inilatag na ng NFA, DTI sa mga palengke

49
0
SHARE
Magkatuwang na inilatag ng National Food Authority (NFA) at Department of Trade and Industry (DTI) ang Suggested Retail Prices (SRP) para sa mga itinitindang komersiyal na Bigas sa mga palengke sa Bulacan. Kasabay nito, pormal na ring inilagay ang mga opisyal na klasipikasyon sa Bigas na itinakda ng Joint Circular ng DTI at Department of Agriculture. Ipinagbawal na ang paggamit sa pagba-brand sa mga Bigas bilang Super Angelica, Sinandomeng, Jasmin, Dinorado at iba pa. Apat na lamang ang brand ng Bigas na limitado sa Premium Rice, Regular Milled Rice, Well-Milled Rice at Special Rice.

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Tinakdaan na ng National Food Authority (NFA) at ng Department of Trade and Industry (DTI) ng Suggested Retail Price (SRP), ang mga itinitindang komersiyal na Bigas sa mga palengke sa Bulacan.

Ito’y kasabay din ng paglalagay ng mga opisyal na klasipikasyon ng mga uri ng Bigas. Kabilang dito ang Premium Rice, Regular Milled Rice, Well Milled Rice at ang Special Rice. Ayon kay Elvira Obana, provincial manager ng NFA-Bulacan, “sang-ayon sa inilabas na Joint Memorandum Circular ng DA at DTI, ipinagbabawal nang gamitin bilang ‘brand’ ng Bigas ang mga tulad ng Sinandomeng, Dinorado, Super Angelica, Jasmin, Jollibee at kung anu-ano pa. Kasi napag-alaman na may mga iisa lang din ang variety pero pinaghihiwalay para mag-iba-iba ang presyo.”

Batay sa itinakdang SRP, ang Premium Rice ay dapat nasa halagang P47 lamang. Ito ang uri ng Bigas na ang butil ay makintab. Ito’y dahil nasa 0 hanggang 19% ang naiwang bran steak at nasa 0 hanggang 5% ang brokens o basag na butil. Dapat P39 naman ang SRP para sa Regular Milled Rice o ito iyong hindi gaanong maputi ang kulay. Mas marami ang naiwang darak o bran sa butil. Nasa 20% hanggang 40% ang naiwang bran steak o iyong bahid ng darak.

Habang sa Well-Milled Rice, dapat P44 ang SRP. Ito ang uri ng Bigas nas mas maputi ang kulay ng butil dahil mas kaunti ang naiwang darak. Nasa 1% hanggang 19% lang ang naiwang bahid ng darak sa butil.

Walang itinakdang SRP sa mga tinukoy na Special Rice dahil ito ang Bigas na may natatanging kalidad at katangian gaya ng Malagkit, may kulay na kilalang Balatinao, mga maliliit at bilugang butil na bigas galing sa Japan at ang tradisyunal na Bigas mula sa mga kabundukan ng bansa.

Kaugnay nito, ayon kay DTI-Bulacan assistant manager Jacinto Polido, nananatiling mura na ang presyo ng mga komersiyal na Bigas sa mga palengke sa lalawigan. Ang mga Bigas na tumaas sa P45 sa kada kilo ay P39 na ngayon, P41 hanggang P42 ang dating P47 at P46 na lamang ang dating P50. “Patunay lamang ito sa 4.4% inflation ng gitnang Luzon na pinakamababang inflation sa buong Pilipinas,” aniya.

Samantala, para sa mga inangkat na Bigas ng mga pribadong nagtitinda ay tinakdaan ng SRP mula sa halagang P39 hanggang P43. Ipinaliwanag din ng DTI na naitatakda ang SRP bilang resulta ng konsultasyon sa sektor ng mga magsasaka, millers at retailers. Kapag tinakdaan ng SRP, ayon sa Price Act o Republic Act 7581 hindi pwedeng mas mataas pa ang presyo kapag nagbenta pero pwedeng mas mababa pa sa SRP. (RONDA Balita Online News) -RR Eleogo/PIA

SHARE
Previous articleMPTC unit mulls CAVITEx spur road to Sangley
Next articlePresyo ng mga bilihin na pang-Noche Buena sa Bulacan, matatag hanggang Kapaskuhan
ROSETH Eleogo Reyes or RR Eleogo is one of the owners of RONDA Balita. A single mother from Bulakan, Bulacan, and formerly an account officer and columnist of NewsCore, a local newspaper in Bulacan. She also worked in quality control department of Mighty Corporation. A part-time advertising representative of Remate, a national newspaper. She served as Director of Philippine Science Journalists Association Inc. Bulacan Chapter and member of National Union of Journalists of the Philippines (NUJP)- Bulacan Chapter. She won recently as Board of Directors of Bulacan Press Club.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here