Problema sa baboy, kinakailangan ng agarang solusyon!

0
166

ANO ba talaga ang totoo mga kuya? Malala ba ang African Swine Fever o ASF sa lalawigan ng Bulacan o hindi? Kailangan ng masang Bulakenyo ng totoong sagot.

Nakababahala na kasi ang pagsasawalang-kibo ng Provincial Government at ng Provincial Veterinary Office at ilang mga alkalde sa totong kalagayan ng naturang virus sa ating probinsya.

Libu-libo nang mga baboy ang nagkamatay sa ilang bayan at lungsod pero patuloy pa rin ang pangdededma sa ASF.

Kesyo malinis at ligtas kainin ang baboy sa aming lugar pero sandamakmak na bilang naman ang namamatay na hindi pinapaalam sa publiko.

Bagama’t hindi ito banta sa kalusugan ng tao, lubha naman itong nakamamatay sa mga baboy na maaaring magdulot ng pinsala sa ekonomiya.

Ilang bayan na ba sa Bulacan ang nakararanas ng sakit na dumapo sa mga baboy? Ilan libo na rin ang mga namatay sa ASF? Bakit hindi makapag-labas ng opisyal na bilang?

Bakit?

At gaano katotoo na may dalawang bayan sa Bulacan ang may outbreak na ng African Swine Fever. Halos wipe-out na umano ang mga baboy sa dalawang bayan na ito.

Kung totoong malala na ang naturang virus sa ating lalawigan bakit hindi magpalabas ng official statement at maglatag ng agarang solusyon para matapos na ang epidemyang dumapo sa ating mga alagang baboy.

Harapin natin ang katotohahan upang makagawa agad na solusyon sa lumalalang problema tungkol sa ASF.

Huwag na nating hintayin pa na tuluyang maubos ang ating mga alagang baboy. Malapit na ang Pasko. Kailangan natin ng karne ng baboy para ihanda sa parating na Kapaskuhan. Hindi ba?

Mahalaga na matiyak na hindi kontaminado ng ASF ang meat products na ihahanda sa Pasko ng mga Pinoy.

Hanggang sa susunod na isyu po ng RONDA Balita. Batu-bato sa langit ang tamaan ay huwag PIKON!

Para sa ibang balita, maglog-on sa www.rondabalita.news.

Babu!

Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0917 205 3350. (RONDA Balita Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here