Home El Tirador Problema sa iligal na droga sa bansa, matutuldukan na sa 2022 —...

Problema sa iligal na droga sa bansa, matutuldukan na sa 2022 — PDEA

321
0
SHARE

“ACTION speaks louder than Voice,” ika nga ng palasak na kasabihan na
naaangkop saan mang larangan, saan mang sangay ng gobyerno, saan mang sulok ng bansa o daigdig maging saan mang aspeto ng buhay ay sadyang napapagtibay ang salawikaing ito.

Kay inam ngang mabatid na nagpahayag ng kanyang paninindigan sa inagurasyon ng bagong localized reformation center sa Cabanatuan City itong si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na nagsabing tutuparin nito ang adhikain ng ahensyang ito na gawing malinis ang bansa laban sa iligal na droga pagsapit ng taon na 2022.

Ayon kay PDEA Director General Aquino, tanda ito ng pagtugon ng kanyang liderato sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na masigasig na puksain ang iligal na droga na salot sa lipunan at banta sa kinabukasan ng ating mga kabataang milenyal lalong higit ang katotohanang magpapalugmok sa ekonomiya ng bansa.

Totoo ngang umaksiyon itong si General Aquino dahil sa naturang inagurasyon ay sinasabing ipinagmalaki ng naturang opisyal na nasa 200 katao na mula sa 3,300 na sumukong drug users sa ‘Oplan Tokhang’ ang nakapagtapos na sa reformation center at aniya ang bilang na ito ay parte lamang umano ng kabuuang 25,000 na naka-kumpleto na sa comprehensive rehabilitation program sa buong Central Luzon.

Siniguro rin ng nabanggit na opisyal sa publiko na may mga plano na raw sila para tapusin na ang kalakaran ng salot na iligal na droga sa ating pinakamamahal na bansang Pilipinas bagaman aniya hindi ganoon kadali ang pagresolba sa problemang ito.

Nais sana nating saluduhan ang nasabing paninindigan ni PDEA Director General Aquino at magandang panimula ito sa pamunuan nito ang ulat nitong apat na probinsiya na ang idineklara ng PDEA na ‘drug cleared’ o wala ng bentahan ng iligal na droga na kinabibilangan ng Batanes, Biliran, Bohol at Southern Leyte at ang kanyang paghikayat sa mga bagong halal na opisyal ng mga baranggay na makipagtulungan sa kanilang ahensiya at sa pambansang pulisya para patuloy na labanan ang iligal na droga.

Gayunman,dahil sa tagal ko nang nag-cover ng mga balita hinggil sa kaliwa’t kanang buy-bust operation, raid o pagsalakay ng mga operatiba kontra sa mga iligal na droga sa iba’t ibang panig ng Metro Manila tulad sa Camanava area ay paulit-ulit lamang na tila na ‘babangketa’ o bumabalik lamang sa mga iskinita sa iba’t ibang lugar ang bentahan ng pa-sachet sachet na bentahan ng shabu.

Kaya sa mahabang taon na limipas sa katauhan ni General Aquino ay talagang matutuldukan na ang usapin sa droga kung saan ang karamihan sa naaresto at naipakulong na sa bilangguan ay kabilang ang ilang personalidad, opisyal o kawani sa gobyerno maging ang maimpluwensiyang tao. (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here