Home EXTRAFONTS Pulilan-Baliwag Diversion Road: Dulot ay saya sa mga motorista

Pulilan-Baliwag Diversion Road: Dulot ay saya sa mga motorista

30
0
SHARE
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

BINUKSAN na ang bypass road na naglandas sa mga kabukiran na sumasakop sa mga bayan ng Baliwag at Pulilan, ang “Tarcan-Pulilan Diversion Road” — ang mahigit siyam na kilometrong bypass road na umuugnay sa North Luzon Expressway, sa lalawigan ng Bulacan.

Kinonsepto ang lansangang ito ng Department of Public Works and Highways (DPWH), dahil sa maraming reklamo buhat sa mga motorista at mga biyaherong dumadaan sa Maharlika Highway na sumasakop din sa dalawang munisipalidad na nabanggit.

Ang problema kasi ng mga motorista noong wala pa ang naturang bypass road ay ang mega traffic sa Pulilan Junction, tuwing rush hour na bahagi rin ng Maharlika Highway. Inaabot ng matinding stress ang mga motorista bago makabagtas sa naturang road junction.

Bukod sa mahabang oras na pagkabalam dulot ng matinding trapiko, inaabot ng pagkalugi ang mga biyahero dahil hindi sila nakararating sa takdang oras sa kanila mga destinasyon at may mga biyahero rin ng gulay na nalalanta ang kanilang mga paninda bago pa makarating sa bagsakan.

Ngayong nadadaan na ang naturang diversion road, mabilis nang nakararating sa Metro Manila ang mga motororista at mga biyahero kaya marami ang napaburan sa pagkakagawa ng lansangang iyan.

Pero ikinatuwa rin naman ng mga tenant at landlords ang pagkakaroon ng bypass road sa gitna ng kanilang mga bukirin dahil tumaas ang market value ng kanilang mga lupang sakahan.

Katulad ng mabilis na progresong nararamdaman sa magkabilang bahagi ng kahabaan ng Plaridel Bypass Road, inaasahan na maraming mamumuhunan ang mamamakyaw ng mga lupaing malapit o kadikit ng Baliwag-Pulilan Bypass Road.

Magkakamal ng milyong piso ang mga landlord at tenants kapag nabili ang kanilang mga bukirin upang i-convert sa komersiyal o industriyal na gamit. Mangyayari ba ito? Mangyayari dahil nangyari na ang malawak na bilihan ng mga bukirin sa mga lugar na dinaanan ng Plaridel Bypass Road.

Kaya ang mga magsasaka na kumita’t hindi sa mahabang panahong pagbibilad sa araw at pagdapurak sa putik ay nagkaroon ng pagkakataong magkamal ng malaking halaga ng salapi kapag may bumili ng kanilang mga sinasakang bukid.

Pabor nga ang gayon sa farmers at landowners, pero ang food production naman ng ating bansa ang naaapektuhan dahil sa patuloy na pagliit ng mga lupa na pinag-aanihan ng palay kaya mahirap ng maabot ang pangarap na rice sufficiency ng Pilipinas, kung patuloy na mababawasan ang mga lupang sakahan. Pag-isipan po natin ito.

Sa mga motoristang nanggagaling sa Nueva Ecija, dahil mula sa Maharlika Highway sa Tarcan Baliwag ay kakanan ang mga sasakyan sa diversion road. Hindi na sila dadaan sa matrapik na Pulilan junction at sa halip ay didiretso na ang mga motorista sa NLEX Pulilan Tollway. (RONDA Balit Online News)

SHARE
Previous articleDENR seizes hot lumbers in Rizal and Bulacan
Next article‘Krung-Krung,’ umaarangkada; Tama na, sobra na
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here