RESIDENTE NANAWAGAN KAY DUTERTE: Bigayan ng SAC form sa kada tatlong pamilya sa Balagtas, nag-viral sa social media

0
2628
Si Bessie Durias,naglalako ng paninda at residente ng Brgy. Borol 1st, Balagtas na nag-upload ng video sa Facebook habang nagpapamigay ang isang volunteer ng DSWD ng SAC form sa kada tatlong pamilya nitong Biyernes ng hapon. (Kuha ni Dick Mirasol III)

BALAGTAS, Bulacan — Nagmamaka-awang nanawagan kay Pangulong Rodrigo R. Duterte ang isang ginang na nag-upload ng video na nag-viral sa social media kamakailan na isa umanong volunteer staff ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang namimigay at nagsabing isa lang na Social Amelioration Card (SAC) o form ang nakalaan sa bawat tatlong pamilya at may paghahatiang P4,500 at P1,500 groceries.

Sa panayam ng RONDA BALITA Online kay Bessie Durias, naglalako ng paninda sa Brgy. Borol 1st sa nabanggit na bayan, bandang alas-2 ng hapon nitong Biernes (April 3) ay may apat na katao ang nagpunta at nagpakilalang taga-DSWD kabilang ang isang tanod para mamigay ng SAC form sa kanilang lugar.

Aniya, sinabihan siya ng isang nagngangalang Mariquita Ariola na staff daw ng DSWD sa barangay na isang form lamang ang dapat paghahatian ng kada tatlong pamilya.

Sa cellphone video na nagviral sa Facebook ay tinanong pa umano sila nito na ”Ano ang gusto nyo, meron o wala?”

Dahil sa “kapit sa patalim” ay napapayag at gumawa sila ng grupo sa pangunguna ni Durias, anak nitong babaeng si Josie at isang kapit-bahay na si Alexander Dalus, solo parent para mabuo ang tatlong pamilya sa isang form.

Anak na lamang niyang babae ang nag-fill up ng form para sa P4,500 at P1,500 na groceries na paghahatian nilang tatlo na kasalukuyang nasa proseso pa.

Hindi umano ganito ang pangako ni Pangulong Duterte at mga Gabinete nito tungkol sa Special Amelioration Program para sa lahat ng pamilyang Pilipino partikular sa mga mahihirap na pamilya.

Kaya nitong Sabado ng hapon nang humarap sa RONDA BALITA Online ay galit na galit siyang umaapela kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Aniya, hindi kasi dapat na pillin lamang ang mga bibigyan at dapat na tuparin ang pangako ng Pangulo sa kagaya nilang mahihirap na pamilya.

Sinabi pa ni Durias na halos tatlong linggo na siyang hindi nakakapaglako ng paninda at natigil ang hanapbuhay ng kanyang asawang namamasukan bilang helper sa Laguna dahil sa lock down dulot ng coronavirus.

Depensa naman ni Mary Carmen Mina, ang hepe ng MSWDO ng Balagtas, agaran niyang ipinag utos ang pag-full out sa kanilang volunteer na sinasabing taga-DSWD na nagbigay ng sariling opinyon sa naturang ginang na nag-upload ng video sa Facebook habang nagpapamigay ng form.

Nasabi umano nito ang kanyang sariling opinyon nang kulumpunan o pinalibutan at hinahabol ang kanilang grupo ng mga residente at para magkaroon lahat.

Aminado siyang mali ang mga sinabi ng naturang volunteer sa mga residente dahil sa kanyang sariling pananaw tungkol sa pamamahagi ng naturang form.

Agad umanong pinulong ni Balagtas Mayor Eladio Gonzales Jr. ang lahat ng kapitan ng barangay kasama ang mga taga-DSWD hinggil sa nagviral na video ng isang ginang sa kanilang lugar.

Pinag-aaralan na umano ng lokal na pamahalaan kung paano mabibigyan ng solusyon ang naturang suliranin.

Meron umano silang team bawat barangay para sa kanilang ginagawang assessment na kanila namang ipinapadala sa DSWD-Region 3.

Sinabi pa ni Mina na nasa mahigit 18,000 household mula sa Department of Finance na bilang sa bayan ng Balagtas subalit 8,000 lamang ang ibinabang form ng kinauukulan o DSWD Region 3 para magbigay ng financial assistance.

Aminado siyang kulang talaga ang tulong na kanilang ipapamahagi sa lahat ng pamilya sa kanilang lugar.

Kaya nanawagan din siya sa mga residente sa bayan ng Balagtas na unawain ang sitwasyon dahil hindi talaga lahat ay mabibigyan ng nasabing form. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here