Sa abang kalagayan ng barangay frontliners

0
466
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

MAKARAANG isailalim ang malaking bahagi ng Central Luzon, National Capital Region at ang iba pang lalawigan sa Luzon, sa General Community Quarantine (GCQ), mula sa Modified Enhance Community Quarantine (MECQ), kapansin-pansin ang pagtigil ng mga aktibidad ng mga frontliners sa mga barangay checkpoint.

Datirati, noong nasa ilalim pa ECQ at MECQ ang naturang mga lugar ay halos lahat na yata ng barangay ay naglagay ng kani-kaniyang checkpoints. Ngayon naman ay maraming barangay ang nag-alis na ng mga tents, sa gilid ng kalsada kung saan nakapuwesto ang mga frontliners ng barangay.

May mga mamamayan ng bawat barangay ang nagtataka kung bakit maraming checkpoints sa barangay ang tinanggal gayong nasa patakaran pa rin ng GCQ ang mga restriksyon tulad ng pagbabawal sa hindi pagsusuot ng facemask, bawal ang angkasan sa motorsiklo, bawal ang magsakay ng marami ang tricycle dahil sa paglabag sa social distancing. Sino nga naman ang sasaway sa mga pasaway

Ayon kay Barangay Captain Domingo Reyes Jr., ng barangay Sipat, sa bayan ng Plaridel, hindi na anya kakayanin ng badyet ng barangay ang malaking gastusin sa pagkain ng mga barangay frontliners. Sabi pa ni Kap Junior: “Tamang may mga kabarangay kami na nagkakaloob ng pagkain tulad ng tinapay, pancit, softdrinks at iba pang pangmeryendang pagkain ay mahirap namang iasa sa mga kabarangay ang pagkain ng aming frontliners.”

Idinagdag pa ni Kap Junior na: “Masyado nang pagod ang aming frontliners, partikular ang mga tanod na gabi at araw kung mag-duty sa checkpoint. Kailangan din naman nila ang pahinga. Kakarampot na nga ang allowance kanilang tinatanggap buhat sa maliit na IRA, ng aming barangay. Hindi naman makatuwiran na isagad sa hirap ang kanilang mga katawan. Tulad din natin ang mga iyan na nakakaramdam ng hirap at pagod dahil sa puyat at init ng panahon. Kung may magsasabi na sino ang magbabantay sa mga pasaway sa kalsada, ang aking masasabi ay napapanood naman natin sa TV at nababasa sa FB, ang mga pag-iingat na dapat gawin upang hindi dapuan ng Covid, kanya-kanyang ingat na lang”.

“Ang mga mamamayan na dating pinangangalagaan ng mga frontliners ay payapang nagpapahinga sa kanilang mga bahay. Nasa tamang oras ang kanilang tulog samantalang ang mga frontliner ng barangay ay laging nakalantad sa coronavirus. At ang masaklap pa, hindi man lang sila nakatikim ng inaasam nilang hazard pay dahil narin sa kakapusan ng pondo ng aming barangay.”, ayon pa kay Punong Barangay Reyes.

Ang mga frontliners din ng barangay na binubuo ng mga sangguniang barangay members, SK officials, mother leaders, mga tanod at volunteers ang namamahagi food packs buhat sa pamahalaang bayan at lungsod sa bawat barangay kung saan kanilang inihahatid sa bawat household ang food packs at sa kabila ng mga sakripisyong nagagawa ng mga frontliners ng barangay ay nakukuha pa silang sitahin, at pagalitan ng mga taong barangay dahil lamang sa kaunting pagkabalam ng pagdedeliber ng food packs.

Hindi kasi alam ng mga taong barangay na bago ihatid sa kanila ang mga food packs ay ikinakarga muna ng mga tanod sa trak ang mga food packs at mula sa mga trak ay hahakutin food packs at ihahatid sa tapat ng bahay ng mga taong barangay at ilalagay ng mga frontliners sa mga silya ng bawat pamilya o households

Iyan ang masaklap na kwento ng mga frontliners ng barangay. May pagkakataon din na kinaiinggitan ang mga frontliners lalo na kung naipo-post sa facebook ang mga meryenda at iba pang pagkain na ibinababa sa checkpoint ng mga mapagmalasakit na taong barangay. Nauunawaan kasi nila ang sakripisyo ng mga frontliners na nangangalaga sa kapakanan ng mga taong barangay.

Kaya kung mayroon mang mga frontliners na tumigil na sa pagmamando sa mga checkpoint, masyado na po silang pagod. Hayaan na natin silang makapagpahinganbat makapaghanapbuhay din naman tulad ng mga tanod na karamihan sa kanila ay tricycle drivers. Isa pa, dapat ding alalahanin ng sinoman na nariyan pa rin ang Covid 19 habang wala pang bakuna na pupuksa sa virus na iyan. Ang mangyayari ngayon ay kani-kaniyang ingat na lang.

Kung ang nais naman ng ibang matitigas ang ulo na gumala nang gumala, nasasa inyo ‘yan. Walang pinipili si Covid at kung hindi kayo natatakot sa kanya, bahala kayo sa buhay pero alalahanin na mayroon kayong mga kasama sa bahay na puwedeng madamay sa inyong pagiging pasaway. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here