Sa halip na imported, PPE na gawang Pinoy ang gamitin

0
143
Opinion Column by Thony DP Arcenal.

MGA kabayan nanawagan si Senadora Imee Marcos na pagtuunan ng pansin ang paggawa ng lokal na Personal Protective Equipment (PPE) imbes na umasa ang bansa sa mga imported na medical supplies.

Dito ay mas maisasakatuparan ang pagpapalakas sa lokal na industriya kung aalisin ang ilang buwis ng mga local manufacturer ng PPE at pagpapanatili ng mga export incentives nito lalo pa’t ang gagawing supply ay para sa lokal na merkado.

’Igan, sakaling maipasa ang Senate Bill 1708 o ang Healthcare Manufacturing and Pandemic Protection Act ni Marcos, hindi na kailangang magbayad ang mga local manufacturer ng buwis sa pag-import ng kanilang mga materyales at kagamitan.

Maging ng Value-Added Tax at iba pang bayaring kinukolekta ng Bureau of Customs at Food and Drug Administration ay “stop” na rin.

Malinaw pa sa sikat ng araw mga kabayan na pangmatagalang solusyon ito para sa lokal na produksyon.

Ito ay siyang sagot sa hinaing ng ating mga healthcare workers sa kakulangan ng proteksyong medikal.

Dapat at mahalaga na bigyan agad ito ng pansin lalo na at patuloy na tumataas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19.  

Sa isang banda sa panahon ng health emergency, dapat iprayoridad ng gobyerno ang mga local manufacturer na tugunan ang pangangailangan nito ng PPE at iba pang medical supplies.

Ganun pa man mga ’igan, dapat mapalakas muna ang kanilang kapasidad para sa mas matatag na kabuhayan.

Gayunman  mga kabayan, hindi naman inaalisan ng insentibo ng panukalang batas ni Marcos ang mga export manufacturer kahit karamihan ng kanilang mga gawa ay mapupunta sa DOH at mga pribado at lokal na ospital sa tuwing may krisis.

Malinaw rin at sinasabi ng Senadora na ito’y magbibigay oportunidad pa sa mga malalaking industriya tulad ng garments industry na mapanatili ang trabaho ng kanilang mga empleyado at maaring mapalawak pa ito.

Kabayan una nang inirekomenda ni Marcos nitong Marso sa komunidad ng mga mananahi sa Taytay, Rizal, Cavite at Bataan na palitan muna ng PPE ang kanilang mga ginagawang export products dahil tumumal ang kanilang mga order bunsod ng lockdown.

Target ng DTI na posibleng pumalo sa 300,000 na PPEs ang magagawa kada buwan at dahil dito maiiwasan na rin ang kontrobersya ng over pricing sa mga imported na PPE.

Para sa inyong mga reklamo at reaksyon mag send lamang sa thony.arcenal.com. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here