Sadyang mahirap gumalaw sa ‘New Normal’

0
386
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

MULA nang ipatupad ang mga panuntunan sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act (Republic Act No. 11469) sa pamamagitan ng mahihigpit na quarantine ay mistula tayong nakatuntong sa numero dahil maraming bawal tulad ng mandatory social distancing, pagsusuot ng face mask at iba pang mga pagbabawal na may kaakibat na kaparusahan sa sinumang lalabag.

Dahil wala pang bakunang panlaban sa Covid 19, ito ngayon ang kalagayan natin: ECQ, (MECQ), GCQ (MGCQ) o mapunta man tayo sa New Normal ay gagalaw pa rin tayo sa ritmo ng pandemya. Hindi tayo makakikilos sa dating kalakaran. Wala na ang  mala-sardinas na  pagsisiksikan sa MRT at LRT at tayuan sa passenger bus at marami pang pagbabago sa industriya ng transportasyon na kailangang tanggapin.

Limitado pa rin ang kalayaang gumala ng mga senior citizen, maging ng nga menor de edad na kabataan dahil sisitahin at pagbabawalan silang lumabas ng kani-kanilang mga bahay. Bakit? Dahil pa rin sa covid kaya wala na munang siesta na sama-sama at kung sisimba naman ay kalahati lang ng kapasidad ng church building ang papayagang sumimba.

Ang mga motorcycle rider ay hindi pa rin pinapayagang mag-angkas kahit pa kaanak nila ang iaangkas sa motorsiklo dahil na rin sa posibilidad nang paghahawahan. Kahit pa ang mag-asawa ay pinagbabawalan pa ring mag-angkas sa motorsiklo

Doon sa matitigas ang mga ulo at hindi natatakot sa coronavirus, mag-isip isip kayo. Sa sistemang New Normal ay matira ang matibay. Naipaalala at naibigay na ng mga kinaukulan ang lahat ng babala kung papaano ang pag-iingat at mga paraan pàra maiwasan na mahawa ng Covid 19 kaya kalusugan mo, ingatan mo at buhay mo, iligtas mo.

Marami akong nakikitang pasaway na hindi nagsusuot ng face mask at kung meron man, nasa baba o kaya naman ay bibig lang ang tinatabingan at hindi ang kanilang mga ilong na siya pa namang sumasagap ng mikrobyo.

Dahil wala pang bakuna na panlaban sa Covid 19, pabagu-bago ang nagiging deklarasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF). May mga siyudad, bayan at barangay kasi na biglang dumadami ang nagpopositibo sa Covid 19 kaya mula sa kalagayang GCQ ay ibinabalik sila sa mas mahigpit na kalagayan, ang ECQ.

Kaya ugaliin ang pagsusuot ng face mask kapag lalabas ng bahay. Panatilihin ang social distancing. Gawing madalas ang paghuhugas ng kamay at panatilihing malusog ang pangangatawan upang hindi mahawahan ng coronavirus. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here