Sakripisyo ng gobyerno laban sa Covid-19, balewala dahil sa pagdagsa ng mall goers — Roque

0
419
Mall goers sa SM malls sa Bulacan sa unang araw ng pagpapatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ)

PANDI, Bulacan — Balewala lahat ang sakripisyo at halos dalawang buwan na lockdown at mga Enhanced Community Quarantine (ECQ), Modified ECQ at General Community Quarantine (GCQ) ng gobyerno laban sa coronavirus (Covid-19) disease kung magpapatuloy ang pagdagsa ng taumbayan sa mga commercial establishment partikular na sa mga mall.

Pakiusap ni Pandi Mayor Enrico Roque sa kaniyang mga kababayan na huwag munang pumunta sa mga department stores lalo na sa mga malls kundi rin lang naman kailangan upang maiwasan ang posibleng kinatatakutang 2nd wave ng nakamamatay na virus.

“Sana lang sa paglilibang natin sa mga malls o kung saan man ay hindi Covid-19 ang pasalubong natin pag-uwi sa ating pamilya. Napakalaking disgrasya!, ayon kay Roque.

Sinabi ni Roque na hindi madali ang naging laban ng pamahalaang local ng Pandi at maging ng pamahalaang nasyunal at sa kabila ng hirap, pagkabagot, inip sa bahay ay nagawang mapagtagumpayan ang laban dahil Covid-free na sa ngayon ang bayan ng Pandi kaya huwag aniyang sayangin ang kanilang nasimulan dahil hindi pa tapos ang laban.

Apela pa ng alkalde sa mga taga-Pandi na kailangan nito ang suporta at kooperasyon ng bawat isa dahil laban ito ng bawat Pandieño.

“Hangga’t may Covid positive sa ating bansa at hanggang wala pang vaccine or gamot para dito, patuloy pa rin po tayong mag-ingat, palagi po nating iisipin na sa tuwing lumalabas po tayo ng ating tahanan ay inilalagay natin sa peligro hindi lang ang ating buhay pati na rin ang buhay ng ating pamilya,” ani Roque.

Hinikayat ni Roque hindi lamang ang mga Pandieño kundi maging ang buong sambayanan na huwag na munang lumabas sa ilalim ng Modified ECQ at babala pa nito.. “KUNG PAMILYA MO’Y MAHALAGA, BANTA NG COVID19 AY ‘WAG IPAGSAWALANG BAHALA!” (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here