‘Salubong Festival’ ng Plaridel, binago ng pandemya

0
145
EXTRA FONTS, an opinion column by Manny Camua Dela Cruz

TAUN-TAON tuwing sumasapit ang ang ika-29 ng Disyembre ay isinasagawa sa bayan ng Plaridel ang tradisyunal na  “Salubong”, patungkol sa patron saint ng Simbahang Katoliko na si Apostol Santiago.

Maringal ang bisperas ng kapistahan ng nasabing patron noong wala pang pandemya. Ang pamosong “Salubong” ay isinasagawa sa Barangay Sipat, kung saan naroon ang shrine ni St. James. Mula sa bahay na tinatahanan ng patron ay ihahatid siya ng mga banda ng musiko kasabay ang mga deboto na may nakasakay sa kalesa at tiburin at ang karamihan naman ay naglalakad.

Ang ang tahanan ng patron na kung tawagin noon ay “Bahay na Bato”, na pag-aari ni Tandang Sitang, ay doon nakalagak ang imahe ni Santiago at pagsapit ng Disyembre 29, bisperas ng pistang bayan ng Plaridel ay inilalabas ito, ginagayakan at binibihisan ng bagong damit at sinasalubong ito ng mga banda ng musiko at ng mga komite ng pista mula sa kabayanan at saka ipuprusisyon patungo sa Plaridel Parish Church.
Dahil ang imahe ni St. James ay nakasakay sa kabayo na nasasandatahan ng espada, ang mga kutsero mula sa Maynila at iba pang mga lugar sa Bulacan ay sumasama sa pagsalubong sa patron. Napupuno ng iba’t uri ng mga sasakyan ang anim na kilometrong haba ng kalsada mula sa kabayanan hanggang sa bahay na bato. (Sa katauhan ni Santiago na nakasaad sa Biblia, siya ay hamak na mangingisda lamang at walang biblical account na siya ay naging kabalyero)

Alas sais pa lamang ng umaga ay puno na ng mga deboto ang barangay road ng Sipat, sa lugar ng shrine ni St. James at pagsapit ng ika-9:00 ng umaga ay sisimulan na ang prusisyon upang ihatid sa simbahan ng Plaridel ang imahe ni Santiago.

Nitong December 29, 2020 ay isinagawa ang napakapayak na pagsalubong sa patron saint. Sampung sasakyan lang ang pinayagang maghatid sa patron. Sa isang mini truck isinakay ang imahe ni Santiago at sa ibang trak naman nakasakay ang isang banda ng musiko kaagapay ang walo pang sasakyan na sinasakyan naman ng videographer at ilang deboto.

Walang deboto na pwedeng sumabay sa motorcade. Sa tapat ng kanilang mga bahay na lamang nanood ang mga deboto sa pagdaan ng kanilang pinipintakasing patron. Sa loob lamang ng ilang minuto ay naihatid na sa simbahan ang imahe ni Santiago, hindi tulad noon na inaabot ng tatlong oras bago maipasok sa simbahan ang imahe ng patron.

Ang ganitong religious activities sa kapistahan ni St. James, sa panahon ng new normal ay ngayon lang naranasan ng nga deboto ni San Santiago. Kailangan kasing gawin ito upang maiwasan ang paghahawahan ng coronavirus. Hindi kasi maiiwasang magdikit-dikit ang mga tao kung bibigyan ng luwag na sumama sa prusisyon ang mga deboto

May mga Disyembre pa namang darating at baka sa December 2021 ay naglaho na ang Covid 19 dahil ito ang dahilan kung bakit mayroong lockdown at mga paghihigpit dahil kung magpapatuloy ang paglobo ng kaso ng Covid 19 dahil sa pagsulpot ng bagong strain ng covid ay malamang na magpatupad ng lockdown ang pamahalaan. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here