Home Bulacan Local News Santa Maria at Calumpit, mga kampeon sa ‘Bahay Kubo, Bahay Gulay’

Santa Maria at Calumpit, mga kampeon sa ‘Bahay Kubo, Bahay Gulay’

28
0
SHARE
Pumitas ng saging si Gobernador Daniel R. Fernando mula sa bahay kubo na puno ng dekorasyon na gulay ng Municipal Agriculture and Fishery Council ng Santa Maria, isa sa mga nagwagi sa katatapos lamang na kumpetisyon ng Bahay Kubo, Bahay Gulay na tinawag na Dampang Filipino 2019 na ginanap sa harapan ng Bulacan Capitol Gymnasium. (Kuha ni Manny D. Balbin)

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Parehong masarap at kakaiba ang mga lahok ng Municipal Agriculture and Fishery Councils (MAFCs) ng Calumpit at Santa Maria kaya naman kapwa nila nakamit ang unang gatimpala sa kumpetisyon ng “Bahay Kubo, Bahay Gulay” na tinawag ding Dampang Filipino 2019 na idinaos nu’ng Martes (Sept. 11) sa harap ng Bulacan Capitol Gymnasium dito

Ang nagwaging bahay kubo ng MAFC Santa Maria. (Kuha ni Manny D. Balbin)

Dinisenyuhan gamit ang palay at iba’t ibang aning gulay, tumabla ang bahay kubo ng Calumpit sa bahay kubo ng Santa Maria na may dekorasyong kurtina na yari sa sitaw at iba pang mga gulay, kung kaya’t kapwa sila nagkamit markang 90.33% at tumanggap ng premyong P20,000 at katibayan ng pagkilala.

Pumangalawa naman sa listahan ng mga natatanging bahay kubo ang Angat Farmers Association mula sa bayan ng Angat at San Rafael Vegetable Association mula sa bayan ng San Rafael kung saan pareho silang nagkamit ng gradong 84.67% at nakapag-uwi ng premyong P15,000 at katibayan ng pagkilala.

Nagkamit naman ang mga lahok ng MAFC ng mga bayan ng Guiguinto at San Ildefonso ng markang 75% kung saan sila ay nagwagi ng ikatlong gantimpala na may premyong P10,000 at katibayan ng pagkilala.

Ayon kay Provincial Agriculturist Ma. Gloria Carrillo, binuo ng mga kalahok ang kanilang mga bahay kubo sa mismong lugar ng kumpetisyon isang araw bago ang pagbubukas nito noong Setyembre 9 kung saan sila ay binigyan din ng permisong makapagbenta ng mga gulay at iba pang mga processed agricultural product.

Samantala, ikinatuwa naman ni Gobernador Daniel R. Fernando ang kinalabasan ng programa sapagkat hindi lamang naipakita ng mga magsasaka ang kanilang husay sa sining kundi nagkaroon din sila ng pagkakataong kumita.

“Nakakatuwa na maganda ang kinalabasan ng patimpalak na ito. Hindi lang sa naipakita ang mga produkto ng ating mga magsasaka, nakaubos din sila ng kanilang mga panindang gulay kaya naman nararapat lang na sila ay atin pang suportahan,” ani Fernando.

Ipinahayag naman ni Felix San Jose, miyembro ng MAFC ng Santa Maria, ang kanyang pasasalamat sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa oportunidad na ipinagkaloob sa mga magsasakang Bulakenyo.

“Taus-puso po akong nagpapasalamat sa Provincial Government ng Bulacan sa oportunidad na ito para sa mga magsasaka dito sa Bulacan. First time po naming magkaroon ng award at nakatutuwa po dahil hindi mahal ang nagastos namin dahil sariling ani po namin ang ginamit pang disenyo,” ani San Jose. (RONDA Balita Online News)

SHARE
Previous articleNLEX starts full blast works on P1.6-B SFEX expansion project
Next articleIndian national, 3 other thieves nabbed in Bulacan!
ROSETH Eleogo Reyes or RR Eleogo is one of the owners of RONDA Balita. A single mother from Bulakan, Bulacan, and formerly an account officer and columnist of NewsCore, a local newspaper in Bulacan. She also worked in quality control department of Mighty Corporation. A part-time advertising representative of Remate, a national newspaper. She served as Director of Philippine Science Journalists Association Inc. Bulacan Chapter and member of National Union of Journalists of the Philippines (NUJP)- Bulacan Chapter. She won recently as Board of Directors of Bulacan Press Club.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here