Home National News Sen. Angara nagsinungaling sa epekto ng TRAIN

Sen. Angara nagsinungaling sa epekto ng TRAIN

47
0
SHARE

BINATIKOS ng isang partylist ang re-electionist na si Sonny Angara matapos nitong sabihin sa isang panayam sa DZBB nung Huwebes na hindi ang kanyang TRAIN Law ang dahilan sa likod ng mataas na presyo ng langis na siya namang nagdulot ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Ayon sa grupong Partido Lakas ng Masa o PLM ang pagtanggi ni Angara ng kayang naging papel sa negatibong epekto sa buhay ng mga mahihirap na pamilya ay “dagdag na insulto” sa pinsalang inabot nila dulot ng kanyang panukala.

“Itong lantarang paghuhugas ng kamay ay isang kaduwagan sa bahagi ni Mr. Angara. Hindi niya maitatanggi ang kanyang pagkakasala dahil siya ang utak sa likuran ng salot na TRAIN Law,” sabi ng grupo.

Dagdag pa nila, “ang dapat sana ay umamin na lang siya nang kanyang pagkakamali kaysa nagmalaki pa sa radyo”.

Mula Enero 2018, naningil ang gobyerno ng karagdagang P2.50 kada litro ng diesel at 2.65 para sa gasolina. Sa pagpasok ng taon, muling nagdagdag ng P2 ang gobyerno para sa diesel at gasolina.

Sinisi ni Angara ang presyo sa pandaigdigang merkado bilang dahilan sa pagtaas ng presyo ng krudo. Pero hindi ito tinanggap ni Sonny Melencio, lider ng PLM. Ayon sa kanya, ekonomista si Angara at alam na alam niya na mahirap hulaan ang magiging takbo ng presyo ng langis at naka-asa tayo sa mga importer. Pero mas pinili pa rin nitong pahirapan ang mamamayan.

“Lalong naghirap ang mahihirap kapalit ng kanyang katapatan sa Palasyo at mga bangkerong Intsik,” paglilinaw nito.

Dagdag pa ni Melencio, maari daw ilabas ni Angara ang anumang estatistikang nais niya para ipagtanggol ang sarili pero ang malinaw, lalo sa mga mahihirap ay mas kakaunti ang nabibili nila sa kanilang sahod matapos maisabatas ang TRAIN Law dahil ang kalakhan naman ay hindi nakinabang sa tax exemptions nito.
“Anumang ganansya sa tax exemptions ay nabalewala sa taas ng presyo ng mga bilihin. Nagpanggap lamang si Angara sa sinusulong ang kapakanan ng masa pero kabaliktaran ang nangyari”

Dahil sa napipintong pagtaas ng presyo ng kuryente ngayong buwan, nananawagan ang PLM na kagyat na suspendihin ang pagsinggil ng excise tax at value added tax sa langis para epektibong maibaba ang presyo ng krudo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here