Sen. Villanueva isusulong pa rin ang Security of Tenure Bill

0
43

BOCAUE, Bulacan — Kahit na-veto na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Security of Tenure Bill ay itutuloy pa rin ni Sen. Joel Villanueva ang pagsulong nito.

Sa ipinalabas na pahayag nito, sinabi niya “Matapos po ang dalawang dekada ng pakikibaka ng mga manggagawang Pilipino, umabot na po sa Malacañang ang panukalang Security of Tenure noong ika 27 ng Hunyo. Ito po ay bunga ng ating pagkilos sa Senate Labor Committee at sa suporta ng buong Kongreso.”

Ayon kay Villanueva, nitong ika 26 ng Hulyo ay natuldukan ang isinusulong niya na panukala sa pamamagitan ng pag veto ng Pangulong Duterte.

Ipinaliwanag ni Villanueva na 20 taong nakatengga ang panukalang ito. Kung saan “Sa tulong ng ating mga kasamahan sa Kongreso, sinikap po natin bumuo ng panukala na magiging patas sa lahat ng partido, at siniguro po natin na bawat probisyon ay may kaukulang proteksyon para sa mga manggagawa laban sa mga iligal na uri ng contractualization. Hindi rin po natin pinabayaan na ma-dedehado ang mga negosyante na tumutulong maglikha ng trabaho.”

Sinabi pa niya na sa simula pa lamang, inasahan na niya na maraming haharang sa panukalang ito, ngunit aniya, hindi siya natinag, lalo na at maraming manggagawa ang umaasa rito na magwawakas sa ENDO at pinakamabigat na pasanin na marahil ang ideyang matutupad ang pangarap na ito.

Bilang mga pinuno ng pamahalaan, sinabi nito na “inaasahan po tayong manindigan para sa mga inaapi at gawin ang nararapat para maging patas ang lipunan. Ngunit ang katotohanan, minsan ay mas matimbang ang mga makapangyarihan at naghaharing-uri. Ang pagka veto ng ENDO ay isa sa mga manipistasyon ng mga ganitong pagkakataon.”

Idinagdag pa ni Villanueva na sa kabila ng lahat, patuloy niya isusulong ang panukalang batas na ito, hanggang hindi nawawakasan ang ENDO. (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here