Shortage ng mga pagkain sa bansa, importasyon ba ang katapat?

0
112
Opinion Column by Thony DP Arcenal.

KABAYAN, simula’t simula ay tila may mali na sa pamamaraan ng gobyerno tuwing may kakulangan ng suplay ng bigas, karne, isda at gulay sa ating bansa.

Palagi ang kanilang solusyon ay umangkat o bumili ng kapos na produkto sa mga karatig nating bansa sa Asya o Europa.

Halimbawa mga ’igan, kapos ang bigas, hayan at agad may nakaangkla na Rice Tariffication Law at pinayagan ang malayang pagpasok ng bigas mula sa kapit-bahay na bansa sa Asian countries.

Sa panahon na ito ng pandemya, ramdam na kapos na naman daw tayo sa karne ng baboy dahil sa pesteng Asia Swine Flu (ASF).

At ang tugon ng Deartment of Agriculture (DA) sa kakapusan ng karne ng baboy ay malinaw na importasyon muli! Kapag kinapos sa karne ng manok, importasyon uli, ganundin sa gulay at isda!

Dahil sa patuloy na importasyon ng mga produktong pang-agrikultura mga ’igan, malinaw pa sa liwanag ng buwan ang binubuhay nito ay ang mga magsasaka sa ibang bansa. At malinaw rin na pinapatay naman sa hirap ang sarili nating magbubukid!

Bakit kaya hindi seryosohin ang prinsipyo ng “tulong-ayuda sa mga magbubukid”?

Kahit kaliwa’t kanan na ipinangangalandakan nila ang tulong tulad ng mga kagamitan sa pagsasaka, binhi, abono, teknolohiya at iba pa (na kadalasan naman ay pinararaan sa mga pulitiko at hindi diretso sa mga magbubukid).

Habang kulang naman sa ayuda kung papaano maipagbibili ang kanilang produkto o ani sa makatarungang presyo batay sa kanilang mga ginastos.

Karaniwan mga ’igan ang mga middlemen/broker ang siyang tumatabo ng malaking ganansiya mula sa inaani ng mga magsasaka.

Muli mga kabayan ,ano ba ng “tunay na ayuda” na kailangan ng mga magsasaka?

Sa isang banda, ang pinakamainam na magagawa ng mga ahensya ng gobyerno na sumasakop dito at upang sumigla ang pagsasaka sa bansa ay ang tunay na malasakit at ayuda.

Mas makabubuti rin na lumikha ng isang ahensiya na magmamahal ng lahat ng produkto ng mga magsasaka mula sa pagbili ng produkto hanggang sa distribusyon nito sa mga pamilihang bayan.

Maari rin naman na pasiglahin ang National Food Authority (NFA) upang ito na ang bumili ng mga produkto ng magsasaka  sa tunay na kahulugan ng NFA- Food Administration.

Sabi nga ni Ka Baste, pagkain ang kanilang bilhin, hindi lang butil ng bigas at mais, isama na rin nila ang isda, gulay at karne.

At dapat naman na bayaran ito sa makatarungang halaga at ipagbili sa konsyumer o mamimili sa abot kayang halaga.

’Yan ang malinaw na ayuda na maaaring magawa ng gobyerno, ang tulungang makabangon sa pagkalugi ng magsasaka.

Dapat mga kabayan, wala ng mga middleman, wala nang mga broker. Upang diretso na lamang ang lahat sa ahensiya na binigyan ng kapangyarihan na mamili at mamahala ng produktong agraryo.

Isa rin sa makatutulong ang paglikha ng isang batas na mag-aatas sa lahat ng LGU na maglaan ng malaking porsiyento sa kanilang taunang badyet upang makatugon pangangailangan ng mga magsasaka.

Sa paraan na yan, mga kabayan ay unti-unting mababawasan ang bilang ng mga ganid na negosyante na patuloy na nagsasamanta sa ating mga magsasaka.

Layon nitong mas mapasigla ang agrikultura at malutas ang regular na kakapusan ng supply ng mga pagkain.

Para sa inyong mga reklamo at reaksyon mag-email lamang sa thony.arcenal@gmail.com. (RONDA BALITA Online) 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here