Sikyu, madalas api sa batas ng paggawa!

0
193
Opinion Column by Thony DP Arcenal.

MGA kabayan, nagdudumilat ang katotohanan sa naganap na hostage-taking sa isang mall sa San Juan City na tumagal ng halos 11 oras, bago nagdesisyon na sumuko sa harap ng mga media ang kaapihan ng uring manggagawa.

Sumuko si Archie Paray, dating security guard, na nagsalita ng halos 30 minuto at isiniwalat nito ang lahat ng anomalya o kabulastugan ng kanyang dating security agency.

Gayunman, walang nasaktan sa 30 katao na kanyang hostage sa Virra Mall pero may isang nasugatan ng magpaputok siya ng baril.

Tumagal ang negosasyon dahil kailangan na naka-Facebook live ang lahat ng impormasyon na kanyang sasabihin, bagamat alam daw niya ang posibleng mangyari sa kanya, posibleng sa kulungan o sa sementeryo.

Isiniwalat ni Paray ang lahat ng katiwalian sa dati nyang pinagsisilbihan na Armour Security Corporation (ASCOR), kung paano sila ginagawang busabos ng kanilang mga handler.

Partikular ang simpleng pagtatanggal sa kanilang mga security sa pamamagitan ng tinatawag na rigodon o paglilipat sa ibang mga puwesto na naglalayon umano na maiwasan ang ‘familarization’ sa kanilang mga binabantayang puwesto.

Sa pangyayaring yan, malinaw na may ginawang pagkakamali ang mga senior officer ni SG Paray dahil humingi sila ng paumanhin at kapwa sila nag-resigned sa kanilang mga nagawang kasalanan.

May mga security guard din na nagsasabi na hindi sapat ang suweldo na ibinigay ng ilang mga security agency o employer.

Labis ang kanilang mga oras sa duty pero kakarampot lamang ang kanilang natatanggap na umento sa sahod lalo pa kung aalisin sa kanilang mga payslip ang ibat-ibang social benefits.

Pare, ang mas nakakalungkot ay natuklasan din nila na ang mga binabawas sa kanilang mga suweldo ay hindi naman inihuhulog sa kanilang SSS, Philhealth at Pag-Ibig.

Ibig sabihin ginagamit ng mga “GANID” na employer ang kanilang pinagpaguran sa halos buong araw na pagbabantay.

Tinatawagan natin ng pansin ang mga sikyu na nakararanas ng pang-aabuso sa inyong mga security agency o employer. Ito ba ang tamang panahon para gisingin ang mga natutulog na diwa ng inyong mga amo?

Maaari n’yo nang idulog sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang inyong mga problema habang mainit pa ang ginawang pagbubunyag ni SG Paray.

Kailangan na kasing i-regulate ang bulok na sistema ng ilang security agency, na sobra ang ginagawang panggugulang sa kanilang mga sikyu.

Dapat na ring makialam ang Supervisory Office for Security Investigation Agency o SOSIA. Marahil dapat alamin nito ang status ng mga security agency na binigyan nila ng permit.

Hindi kasi natatapos sa basta na lamang nagbibigay ng permit sa mga gustong magtayo ng negosyo na tulad ng security agency dahil mayorya ng mga nagtatrabaho bilang sikyu ay may sapat lang na suweldo na tamang-tama lang na pangtustos sa pangangailangan ng pamilya.

Mga ’igan, this is the right time to help and support them.

Para sa inyong mga reklamo at reaksyon magsend lamang sa thony.arcenal@gmail.com. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here