Home EXTRAFONTS Sira-sirang NIA Road sa Bocaue at Balagtas

Sira-sirang NIA Road sa Bocaue at Balagtas

215
0
SHARE
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

MALAKI ang problema ng kalsada na kung tawagin ay NIA road na bumaybay sa barangay Taal sa Bocaue at barangay San Juan, sa bayan ng Balagtas. Ang kalsadang ito ang ginagamit na alternative road ng mga motorista, partikular ng motorcycle riders.

Madalas kaming dumaan sa kalsadang iyan upang makaiwas sa heavy traffic na nararanasan sa McArthur Highway kaya kahit na wasak-wasak, sira-sira ang NIA road na iyan ay nagtitiis kami kahit nahihirapan ang aming motorsiklo.

Ilang alkalde na ang nanungkulan sa Bocaue at Balagtas ay ganoon pa rin ang kundisyon ng naturang kalsada. Bakit kaya hindi masolusyunan ng barangay captain ng Taal at barangay captain ng San Juan ang problema sa kalsadang iyan?

Naturingan iyang farm-to-market road pero hindi naman kaaya-ayang daanan. Sa aking palagay ang mas mahaba ang kalsadang sakop ng barangay Taal sa NIA road na iyan na talaga namang matatagtag ang internal organs ng mga motorista dumadaan sa lubak-lubak na kalsadang iyan.

Naturingang sementado pero mistulang binagsakan ng sandamukal na mortar ang hitsura ng kalsada. Noong panahon ng kampanyahan sa nakaraang eleksiyon, marahil ay napadaan sa kalsadang iyan si Mayor Joni Villanueva-Tugna, dahil nasusuot ng mga kandidato ang lahat ng sulok ng bawat barangay sa panahon ng house to house na pangangampanya.

Sana man lang ay nakita ni Mayor Joni ang bahagi ng kalsadang iyan sa barangay Taal. Nahihirapan talaga ang mga motoristang dumadaan sa NIA road at kung may bahagi ang barangay San Juan sa kalsadang iyan ay sana naman ay mapagtulungan ng dalawang barangay na naturan na maipasemento.

Matagal na nanungkulan ang mga opisyal ng barangay sa lugar na iyan pero hindi man lang nabigyan ng solusyon ang naturang kalsada. (RONDA Balita Online News)

SHARE
Previous article5 katao huli sa buy-bust operation ng Malolos police
Next articleSabi ni Rizal, kabataan ang pag-asa ng bayan
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here