Home Katropa Rumoronda ‘Social Pension’ sa mga senior citizens pangako ni dating Mayor Rico Roque...

‘Social Pension’ sa mga senior citizens pangako ni dating Mayor Rico Roque ng Pandi

112
0
SHARE
Opinion Column ni Vic  Billones lll

TILA matindi ang labanan sa pulitika ngayong darating na halalan sa buwan ng Mayo, 2019. Sa ating pagmamasid at pagtatanong sa taumbayan, sa dalawang bayan sa Lalawigan ng Bulacan, na aking napagtutuunan ng pansin, dito sa Lungsod ng San Jose Del Monte (LSJDM,) at bayan ng Pandi, ay tila dadaloy ang mga biyaya at luha.

Mapunta tayo sa bayan ng Pandi. Naimbita ang Katropa na dumalo sa isang kaganapan sa Barangay Siling Matanda, kamakailan. Narinig ko ang talumpati ni dating Mayor Enrico Roque, na umaalingawngaw sa puso at diwa ng mga magulang, kabataan at Senior Citizens (SCs) na nandoon. Naringgan natin ang ilang sinabi ni Roque sa harap ng humigit kumulang sa 500 katao, “Mga senior citizens ng bayan, kumusta na? Nganga! Doon sa mga nanay na nagpapaaral ng kanilang mga anak? Iskolar pa ba kayo ng bayan? Nganga! Doon sa mga nagdadalang- tao paano na? Wala ng ‘baby set,’ wala na! Maraming programa at proyektong nawala na sa bayang ito. Mga programang hinahanap ng bawat Pandieño, sabi nila gastos lang iyan.

Sa mga nanay na nandito na nagpapaaral sa mga kolehiyo, na nawalan ng ‘schoolarship’ ang mga anak. Dahil noon po, taong 2016, ay 2,500 iskolar po meron ang bayang ito, bukod pa ang daan-daang iskolar ni Mayor Rico, sa pamamagitan ng Amana Water Park. Ngayon nawala na po ang ‘schoolars’ ng bayan. Mangilan-ngilan na lang, imaginin ninyo ang pangarap ng bawat mag-aaral na Pandieño, na dati ay gustong makapagtapos lang ng kolehiyo, makapagtrabaho para makatulong sa kanilang mga magulang, mapag-aral din nila ang kanilang mga kapatid, ngayon ay pinutol. Mga pangarap na nabaliwala, at nawala sa isang kurap.

Hindi po tayo mauubusan ng mga plano, bukod sa ibabalik ko ang mga programang kinasasabikan ninyo, mag-iisip kami at maglalatag ng magagandang programa para bayang ito. Lahat po kayo ay sisiguraduhin ko magiging masaya sa bagong administrasyon. Sa lahat ng Senior Citizens, ng bayang ito, kasama ni Mayor Rico ang Sangguniang bayan. Kapag kami po’y naluklok sa Mayo, atrese, ngayong eleksiyon, ito po ang tandaan ninyo, opisyal kaming manunungkulan ng ‘July one,’ hindi matatapos ang buong ‘July’ ang una kong ilalatag na rekwes, sa Sangguniang bayan, ay lahat ng Senior Citizens ng bayang ito ay bibigyan ko ng “Social Pension.” Magiging pensiyonado ang bawat Senior Citizen ng bayang ito. Si Mayor Rico ang walang sinabing hindi ginawa at hindi nagkatotoo. Hindi lang nagkatotoo dahil pinigil nila….Mas importante ngayon palang magkaisa at magyakap-yakap tayo.”

*****

Marami na tayong nalathala hinggil sa mga magagandang ginagawa ng mag-asawang Mayor Arturo Robes at Congresswoman Florida Robes, gayundin si Vice Mayor Efren Bartolome, Jr., para sa mga San Josenios. Walang puknat na kasipagan at pagpapakita ng pagmamahal sa kanilang mga nasasakupan. Kaya sampantaha ng ating mga nakausap, ang makakalaban ng mga ito sa halalan, ay tiyak na maglalabas ng mga kumikinang na panghalina at gayuma, upang mang-akit ng mga botante at akiting bumaliktad laban sa mga kasalukuyang namamahala ng LSJDM.

Tsk! Tsk! Tsk! Ganyan naman talaga ang kalakaran sa pulitika. Sabi nga ng isang nagtitinda ng itlog na balot at penoy, “kapag may pulitikong nagbigay sa iyo ng pera, ala eh, tanggapin. Sa oras ng botohan, gamitin ang damdamin at kaisipan.” Pero ang ibang istratehiya ng mga TRAPO, ayon sa ilang nakausap ng Katropa, aalamin muna nila ang ibinigay na halaga ng kalaban (sa pulitika) sa mga botante, tapos tutumbasan o dadagdagan ito (ng suhol,) at sasabihang huwag na silang bomoto o magpakita sa lugar ng botohan. Hmmm, galing ah.

Tsk! Tsk! Tsk! Petmalu! Abangan ang susunod na kabanata. Narito ang ating email: katropa2003@yahoo.com. Hanggang sa muli! (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here