Home Bulacan Local News Solo parents sa Bulacan, pinasaya sa Araw ng mga Puso

Solo parents sa Bulacan, pinasaya sa Araw ng mga Puso

282
0
SHARE
Sa saliw ng tugtuging “Baby Shark”, nakisayaw si Department of Social Welfare and Development Assistant Secretary Michelle Ortega kina Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado, Bokal Therese Cheryll Ople, (naka-grey) Lucila Alcantara, pangulo ng Bulacan Federation of Solo Parents, Bokal Perlita delos Santos, Rowena Joson-Tiongson, pinuno ng Provincial Social Welfare and Development Office at libu-libong Solo Parents na nagtipun-tipon para sa taunang Solo Parent General Assembly na may temang, “Sa Iyong Pag-iisa, May Kaagapay Ka” na ginanap sa Bulacan Capitol Gymnasium, Lungsod ng Malolos, Bulacan.

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Nakatipan ng libu-libong solo parents sa Araw ng mga Puso ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office na dumalo sa taunang Solo Parent General Assembly na ginanap sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito.

May temang “Sa Iyong Pag-iisa, May Kaagapay Ka”, sinabi ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado na isang karangalan para sa kanya na makapiling sa mismong Araw ng mga Puso ang mga solo parent upang maipadama sa kanila na hindi sila nag-iisa at katuwang nila ang Pamahalaang Panlalawigan sa kanilang pakikibaka sa buhay.

“Wala na po marahil mas mabuti pang paraan na ipagdiwang ang okasyong ito kundi sa pagbabahagi ng pag-ibig sa ating mga ulirang solo parent na kapiling natin ngayon at sa pamamagitan ng makabuluhang programa na masikhay na magsusulong sa kanilang kapakanan at kakandili sa kanilang patuloy na pagyabong,” ani Alvarado.

Ayon pa sa gobernador, kinikilala ng Pamahalaang Panlalawigan ang mahirap at maselang katayuan ng mga solo parent sa lipunan.

“Sa kabila ng matinding mga pagsubok at mabibigat na pasanin, batid natin ang mahalagang bahaging ginagampanan ng mga solo parent sa pagtataguyod ng kagalingan at pangkalahatang kabutihan ng ating lalawigan at ating pagsusumikapang ipatupad ng buong puso ang probisyon ng Republic Act No. 8972 o ang Solo Parent Welfare Act of 2000 upang masuklian ang inyong mga pagpapakasakit at pagpupunyagi,”anang punong lalawigan.

Nalulugod ding ibinalita ni Bokal Perlita Delos Santos na naipasa na ang Panlalawigang Kautusan Blg. 23-2016 na “nagtatadhana sa pagbibigay ng diskuwento at iba pang benepisyo sa mga solo parent, alinsunod sa Republic Act 8972 sa Lalawigan ng Bulacan” na iniakda nila nina Bokal Therese Cheryll Ople, Bokal Atty. Emelita Viceo at Bokal Allan Ray Baluyut sa pamamagitan ng Panlalawigang Kautusan Blg. 36-2017 o “Ang mga Tuntunin at Alituntuning Tagapagpatupad ng Panlalawigang Kautusan Blg. 23-2016.

Dumalo din sa pagtitipon si Department of Social Welfare and Development Assistant Secretary Michelle Ortega na kumatawan kay DSWD Officer-in-charge Secretary Emmanuel Leyco bilang panauhing pandangal.

Ayon kay Asec. Ortega, ang nasabing okasyon ay tunay nakapagbibigay ng inspirasyon sa kanila lalo pa’t hindi biro na tumayong parehong ina at ama sa mga anak. Aniya, nakabibilib ang pagiging maparaan ng mga solo parent upang patuloy na maitaguyod ang kanilang mga anak.

Nagkaroon din ng re-orientation kung saan tinalakay ni Armont Pecina, OIC ng Operations and Program Division ng DSWD Region 3, ang Solo Parent Welfare Act of 2000, Republic Act 8972 at proposed amendment nito at House Bill No. 3398.

Nagpamalas din ng husay sa pag-indak ang mga solo parent sa isinagawang Zumba Showdown.

Samantala, namahagi din ng 36 nebulizers, 20 BP apparatus, 16 wheelchairs, 6 salter scales, 2 Glucometers, 2 height and weighing scales, medical kit, fetal Doppler, bathroom scale, infant weighing scale, cane, walker at oxygen tank para sa mga benepisyaryo sa programang Kapitolyo sa Barangay. (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here