Home Featured Story Sugar Ray Leonard: Best Slick Boxer

Sugar Ray Leonard: Best Slick Boxer

282
0
SHARE

MAUGONG, dumadagundong ang hiyawan sa loob ng boxing arena, sa tuwing may laban si “Sugar” Ray Leonard” o Ray Charles Leonard sa tunay na buhay. May kakaibang karismang taglay si Sugar Ray na hindi malimutan ng boxing fans — ang kanyang kakaibang estilo sa pakikipagbakbakan.

Sabi ng ilang tagahanga ni Leonard, siya ay isang ‘slick boxer’ — malinis lumaro, seguradong magpatama ng mga suntok at kung minsan ay mistulang komedyante kapag pinaiikot ang kanyang kanang kamao, saka pakakawalan ang mabilis niyang kanan sa mukha ng kalaban.

Dito sa Pilipinas, maraming Pilipino ang napahahanga ni Leonard sa panahon ng kanyang popularidad. Matiyagang hinihintay ng Filipino boxing fans ang mga laban ni Sugar Ray. Kung paano minahal at hinangaan ng mga Pilipino si Muhammad Ali, gayundin ang paghangang iniukol ng ating mga kababayan sa black-American champion na umukit ng magandang kasaysayan sa larangan ng professional boxing.

AAU, TUNTUNGAN NG TAGUMPAY NI RAY
Sabi ng mga atleta, may mga susi raw ang tagumpay at kailangang hanapin ang mga ito upang makamit ang panalo. Pero kay Sugar Ray, gumamit siya ng tuntungan upang maabot ang mataas na pangarap.

Ang liga na Amateur Athletic Union (AAU) ang nagsilbing tuntungan ng tagumpay ni Leonard. Wika nga, sa dulo ng ma kabiguan ay naroon ang tagumpay. May mga pagkakataon na natalo siya sa mga laban bilang amateur boxer mula sa murang gulang.

Sa bandang huli, natamo niya ang matamis na panalo tulad ng tatlong titulo ng National Golden Gloves at dalawang championship titles ng Amateur Athletic Union (AAU). Binigyan pa nga siya ng papuring “that kid you got is sweet as sugar”, ni Sarge Johnson, assistant coach ng U.S. Olympic Boxing Team, said to Dave Jacobs, “That kid you got is sweet as sugar”.
Ang bansag na iyon ay naging tatak ni Leonard na hango na rin sa legendary boxer ng America, na si Sugar Ray Robinson.

Ang mga titulong nabanggit ay nadagdagan pa makaraang umani ng gold medal si Leonard sa paglahok nito sa Olimpiyada noong 1976 sa Montreal, Canada. Ang tagumpay na iyon bilang Olympics gold medalist ang siyang naging tuntungan ni Leonard upang marating ang mundo ng professional boxing.

BILANG WELTERWEIGHT PRO-BOXER
Ang unang titulo bilang professional boxer ay natamo ni Leonard nang talunin niya si Luis Vega, sa labang ginanap sa Civic Center sa Baltimore, Maryland, USA noong Pebrero 1977. Natapos ng dalawa ang itinakdang 6 rounds at nagwagi si Leonard via unanimous decision.

Sa naturang boxing arena rin pinatulog ni Leonard ang kalabang si Vinnie Debarros. Maliit man ang titulo ng labang iyon, nagbigay pa ng pahayag si DeBarrospara kay Leonard: “He’s the fastest guy I’ve ever fought.”

Makaraan ang 25 matatagumpay na mga laban sa iba’t ibang panahon, nakamit ni Leonard ang kauna-unahang world title makaraang talunin ang World Boxing Council Welterweight Champion na si Wilfred Benitez, sa Caesars Palace, Las Vegas, Nevada noong November 30, 1979. Ang reperi sa labang iyon ay ang kababayan nating si Carlos Padilla.

Lumasap naman ng mapait na pagkatalo si Leonard laban kay Roberto Duran, noong June 20, 1980. Agresibong kalaban si Duran kaya hindi umubra ang bilis ni Leonard. Natapos nila ang 15 rounds at unanimous decision ang naging hatol ng mga hurado na pabor kay Duran.

Ilang buwan ang nakalipas, nag-rematch ang dalawa sa labang ginanap sa Superdome, New Orleans, Louisiana, USA noong Nov. 11, 1980. Nabawi ni Sugar Ray angt WBC title na inagaw sa kanya ni Duran.

MALALAKING PANGALAN NA TINALO NI SUGAR
Bukod kay Duran, may ilan pang malalaking pangalan sa mundo ng pro-boxing ang tinalo ni Leonard. Sila ay sina Thomas Hearns, Marvin Hagler, Donny Lalonde at iba pa.

Ang laban nina Leonard at Hearns ay may titulong Undisputed World Welterweight Championship. Si Leonard bilang WBC (World Boxing Council) champion, samantalang si Hearns naman ay bilang WBA (World Boxing Association) champion. Tinaloni Leonard si Hearns sa labang iyon sa pamamagitan ng TKO.

Ang pinakamabigat na nakalaban ni Leonard ay si Marvin Hagler, isang WBC middleweight champion. 12 beses muna niyang idinepensa ang kanyang korona bago humarap kay Leonard.

Ang laban nina Hagler at Leonard ay ginanap sa Caesars Palace, Outdoor Arena, Las Vegas, Nevada, USA noong May 6, 1987. Naging kontrobersiyal ang labang iyon makaraang magwagi si Leonard via split decision.

DALAWANG SUNOD NA KABIGUAN
Hindi pang habang panahon ang kasikatang taglay ng bawat kampeon sa kani-kanyang larangan. Kahit may edad na, nais pa rin patunayan ni Leonard na puwede pa rin siyang makipagsabayan sa mga batang boksingero.

Hinarap ni Leonard ang kampeon na si Terry Norris. Ginawa ang laban sa Madison Square Garden, New York, New York noong February 9, 1991. Palibahasa ay 23-anyos, ipinamalas ni Norris ang angking bilis at abilidad. Hindi man napatulog ni Norris si Leonard, tinalo niya ito sa pamamagitan ng unanimous decision. Nagbigay pa ng kanyang pahayag si Norris matapos ang laban:”It was a sad victory. He’s my idol and I beat him badly. I didn’t want it to be that way. He’s still my idol.”

Tugon naman ni Leonard: “He was quick and too smart. He’s a young Sugar Ray Leonard. He’s going to get better. If he maintains the same focus, he’s going to be around a long time”.

Ang masaklap na kabiguan ay ang huling laban ni Leonard. Nakaharap niya ang mas batang si Hector Camacho. Ginanap ang laban sa Convention Center, Atlantic City, New Jersey noong March 1, 1997.

Hindi na naipamalas ni Leonard ang dating bilis. Malakas at mabilis na kalaban si Camacho kaya umabot lang sa 5 rounds ang laban. Sa ikalawang round, napadugo ni Leonard ang ilong ni Camacho. Bumawi si Camacho at nagpakawala ng matinding kaliwa na nagpaputok sa kanang kilay ni Leonard sa 4th round.

Pagsapit ng ika-5 round, isang solidong kaliwa ang pinatama ni Camacho sa mukha ni Leonard, na sinundan pa ng matinding kanan. Bumagsak ang legendary champion sa canvass. Binilangan ng reperi ng 10 counts si Leonard at nang mahalata ni referee Joe Cortez na wala nang kakayahang lumaban pa si Leonard ng sandaling iyon ay itinigil niya ang laban. Nanalo si Camacho via TKO. (RONDA Balita Online News)

SHARE
Previous articleAnti-drug ops net 22 in Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija and Zambales
Next articleBulacan gov commends Gawad Kalinga on 5th Global Social Business Summit
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here