Home EXTRAFONTS Sukang gawa sa dagta ng sasa

Sukang gawa sa dagta ng sasa

20
0
SHARE
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

NAGING kontrobersiyal ang isyu tungkol sa uri ng suka na gawa buhat sa kemikal na tinawag na synthetic acetic acid, ang sediment o panimpla na kadalasang ginagamit sa lutuing adobo, paksiw o kinilaw man.

Nasanay na kasi tayo sa paggamit ng suka bilang panangkap sa mga lutuin at ginagamit din natin ang suka na sawsawan at totoo naman na kung wala ang suka sa hapag-kainan ay hindi ka masisiyahan kung ang ulam mo ay pritong isda kung walang sawsawang suka.

Pero ano nga ba itong uri ng suka na ating ginagamit na panangkap at sawsawan? Kamakailan ay napaulat na may ilang commercial brands ng suka na gawa sa synthetic acetic acid.

Ayon sa mga dalubhasa, ang acetic acid ay kabilang sa hanay ng mga asido na hindi katapangan tulad ng muriatic acid na ginagamit na panlinis sa metal tulad ng kasangkapang gawa sa tanso at pinanlilinis din ito sa mga lumang alahas tulad ng ginto at pilak upang bumalik ang kinang at ganda.

Ang acetic acid ayon sa ilang artikulo na aking binasa ay ginagamit na panggamot sa impeksiyon sa loob ng tenga, pero ang mga propesyonal lamang ang nakakapagpayo na ito ay panggamot. Ginagamit din ang naturang kemikal sa paggawa ng ink o tinta, dyobos (dyes) at pabango (perfume).

Kung ang acetic acid ay gamit sa larangan ng manupaktura para sa industrial uses, bakit napabilang ito sa hanay ng mga panimplang likido tulad ng toyo at patis? Mag-iisip ka talaga ng malalim kung hahanapin ang kasagutan sa gayong tanong.

Bago natin analisahin ang naturang katanungan, ang pangalang suka ay hinugot sa isang katutubong pamamaraan na sa simula ay hindi naman agad nalilikha nang biglaan ang purong suka.

Sa puno ng sasa, (nipa palm) dito nanggaling ang orihinal na purong suka. Mula sa puso ng sasa ay dito kinukuha ang katas o dagta na ginagawang tuba. Sa kaalaman ng nakararami, may proseso sa pagkuha ng dagta ng sasa at hindi ito madali.

May nagsasabing tinatadyakan muna ang puso ng sasa at bahagyang tatapyasin ang dulo niyon — iyuyuko upang tumulo ang dagta saka sasabitan ng bumbong na katawan at sa bumbong iipunin ang bawat tuko ng dagta sa maghapon o sa buong magdamag at saka kokolektahin ang mga bumbong at isasalin sa malaking sisidlan ang natipong dagta ng sasa tulad ng tapayan.

Kapag nasa tapayan na ang dagta o tuba, ito ay buburuhin sa loob ng maraming araw sa sistemang permentasyon hanggang sa maabot ang sukdulang asim at doon pa lang tatawaging purong suka ang natural na likidong buhat sa puso ng sasa.

Ito namamg suka na gawa sa acetic acid, may proseso din ito na kung saan ang limang porsiyento ng synthetic acetic acid ay ihahalo sa maraming tubig hanggang sa maabot ang asim ng tunay na suka. Kung ako ang tatanungin kung alin ang maasim sa sukang-sasa o sa sukang gawa sa acetic acid? Ang isasagot ko ay hindi maghuhuli sa asim ang dalawa, pero sa lasa magkakatalo kung alin ang sukang-sasa at sukang gawa sa acetic acid.

Iba ang lasa ng purong suka dahil mababakas dito ang amoy ng lasa ng tuba maging ang mala-aromang amoy nito. Kaya nga kahit may kamahalan ang sukang-sasa ay bumibili ako nito dahil ibang-iba ang kanyang katutubong asim at ang mabangong samyo na wala sa komersiyal na suka. (RONDA Balita Online News)

SHARE
Previous article2 dead in Santa Maria drug sting
Next articleSocial Security Act 2018 ng SSS para sa kabutihan ng mga OFW
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here