Home Bulacan Local News Sulat ni Supremo Bonifacio sa Bulacan, inilahad

Sulat ni Supremo Bonifacio sa Bulacan, inilahad

29
0
SHARE
Ipriniprisinta ni Propesor Crisanto 'King' Cortez, bumisitang historyador mula sa Cavite State University, sa mga mag-aaral ng Turismo na kumukuha ng Readings in Philippine History sa Bulacan State University, ang Sulat ni Bonifacio sa Bulacan. Ito'y kaugnay ng pagdiriwang ng Ika-155 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ni Supremo Andres Bonifacio.

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Naipabasa sa kauna-unahang pagkakataon ang mismong sulat-kamay na liham ni Supremo Andres Bonifacio para sa mga taga-Bulacan, sa ginanap na panayam sa mga mag-aaral ng Turismo na kumukuha ng asignaturang Readings in Philippine History sa Bulacan State University.

Pinamagatan itong na “Ang Sulat ni Bonifacio sa Bulacan” na inilahad ng bumibisitang historyador na si Propesor Crisanto ‘King’ Cortez ng Cavite State University, kaugnay ng pambansang pagdiriwang sa Ika-155 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ng supremo.

Ang kaparteng sulat-kamay na liham ni Andres Bonifacio sa mga taga-Bulacan.

Sa nasabing sulat-kamay ni Supremo Bonifacio, nilalaman nito ang kanyang kautusan sa Bulacan noong panahon ng rebolusyon. Base sa katitikan ng liham na binasa ni Prop. Cortez sa harap ng mga mag-aaral na nagsidalo, sinasabi ni Supremo Bonifacio na “aking inayunan ang inyong matapat na pasiya tungkol sa pagsasa-ayos ng hukbo sa mga bayan ng hukuman ng Bulacan. Ito’y kinakailangang pilitin ninyong lumaganap sa buong nasasaklawan ng daanan ng ferrocaril. At ang mga tropa ng kaaway ay magkakalat-kalat at huwag makapagtipon nang malaki.”

Ipinaliwanag ng historyador na nakakapaglabas ng utos si Supremo Bonifacio sa kanyang posisyon bilang supremo ng Haring Bayang Katagalugan. Katumbas ito ng isang pamahalaan na may pinuno at pinamumunuan sa konteksto ng KKK o Kagalang-galangan, Kataasan-taasan, Katipunan ng mga anak ng bayan.

“Supremo siya talaga, pangulo siya talaga! Siya nagbibigay ng instructions sa mga lalawigan. Mayroon pa lang instruction si Supremo Bonifacio dito sa mga taga-Bulacan, lalo na dito sa Malolos, dahil dito nagkaroon ng sangguniang apoy,” aniya. Ibig sabihin, lumalabas sa direktiba ni Supremo Bonifacio na palaganapin ang mga Katipunero sa magkabilang panig ng riles ng tren o tinatawag noon na Ferrocaril, upang hindi sila matalo ng kalaban.

Binigyang diin pa ni Propesor Cortez na ang sulat na ito ni Supremo Bonifacio sa Bulacan ay katumbas ito ng Letter of Instructions na inilalabas ng pangulo ng Pilipinas sa ating panahon. Kinukumpirma rin aniya sa nasabing sulat kung gaano kahusay ang taktika ng supremo bilang pinunong mandirigma. Ito’y sa pamamagitan na hindi niya isinusubo nang malakihan ang kanyang mga kawal kundi nilalansag niya sa iba’t ibang dako upang masukol ang kalaban.

Kaugnay nito, bukod sa sulat ni Supremo Bonifacio kaugnay ng kanyang utos na bantayan ang ferrocaril o riles ng tren sa Malolos laban sa mga Kastila, tinawag din ng supremo ang pinamumunuan niyang Haring Bayang Katagalugan bilang Republika ng Katagalugan, na dito rin sa Malolos unang ipinakilala, hanggang sa maisapormal ito noong Enero 23, 1899 sa simbahan ng Barasoain sa bisa ng Kongreso ng Malolos.

Source: PIA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here