Sumukong lider ng NPA sa Bulacan, tumanggap ayuda sa gobyerno

0
270
Pormal na iprinisinta ng sumukong rebeldeng kasapi ng New People's Army na si alias “Doy” ang kanyang armas kay Gobernador Daniel R. Fernando. Simbulo ito ng kanyang pagbabalik loob sa pamahalaan. Sinaksihan ito ng Philippine National Police at Philippine Army.

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Pormal nang isinailalim sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP ang sumukong lider ng New People’s Army o NPA sa Bulacan.

Ang 20 taong gulang na si alias “Doy” ay may katungkulan pa sa Southern Tagalog Regional Part Committee na gumagalaw sa mga hangganan ng Bulacan at Rizal nang sumuko ito sa militar at pulisya.

Bilang isang benepisyaryo ng E-CLIP, tatanggap si “Doy” ng initial assistance na 15 libong piso, livelihood assistance na 50 libong piso at firearm remuneration na 50 libong piso. Ang halagang ibinibigay sa firearm remuneration ay depende sa kundisyon ng baril na isinuko.

Sumuko si Doy” na dala ang isang 5.56 Bushmaster na isang mataas na kalibre ng baril. Kasama sa isinuko ang isang short alloy magazine, isang short plastic magazine at 32 pirasong kalibre ng 5.56mm na bala.

Isinuko ang naturang mga armas sa harap ng magkasamang pwersa ng 48th Infantry Battalion, 80th Infantry Battalion at Bulacan Police Provincial Office na naganap sa Sitio Licao-licao, Barangay San Isidro sa lungsod ng San Jose Del Monte.

Nasa kostodiya na ng pulisya ang naturang mga isinukong mga armas.

Ayon kay “Doy”, sumuko siya sa kadahilanang gusto na niyang makapiling ang kanyang pamilya at magbagong-buhay.

Sa isang pahayag, sinabi ni 703rd Brigade Commande Colonel Andrew Costelo na ang mga rason ng pagsuko ng mga miyembro ng NPA ay nagpapatunay na lahat tayo ay gusto ng tahimik na pamumuhay kasama ang ating mga pamilya.

Ito aniya ay iniaalok ng pamahalaan sa mga kababayang nalinlang na lumahok sa grupo ng bandidong NPA na tanggapin at ng matupad na ang kanilang mithiing tahimik na buhay.

Ipinahayag naman ni Bulacan Police Provincial Director PCol. Lawrence Cajipe na ito’y nagpapakita lamang na ang kapulisan at kasundaluhan ay may magandang mithiin para sa mga Pilipino na nagsusulong ng armadong pakikibaka.

Makakaasa aniya ang mamamayan na sila ay patuloy na maghahanap ng paraan upang makabalik ang mga miyembro ng NPA sa kanilang mga pamilya.

Source: PIA Bulacan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here