Home Pilantik Suspek pinahirapan, sinakluban ng plastik sa ulo para umamin?

Suspek pinahirapan, sinakluban ng plastik sa ulo para umamin?

131
0
SHARE

UNTI-UNTI ay nakukumbinsi si PILANTIK sa sinasabing ang kulungan ay hindi lamang para sa mga may kasalanan, kung di maging sa mga kinakapos ng kapalaran lalo na’t wala kang kinakapitan o taong malalapitan sa oras ng kagipitan at pangangailangan.

Ika nga ay patay kang bata ka kapag nalagay ka sa ganitong sitwasyon at kalagayan na ngayon ay siyang dinaranas ng pamilyang ang anak ay nasangkot at naging pangunahing suspek sa kaso ng pagpatay at panggagahasa na nangyari sa Brgy. Dampol 1st sa bayan ng Pulilan kamakailan.

Ang tinutukoy po ni PILANTIK ay si Melvin Altubar ng Brgy. Tenejero, Pulilan, na ayon sa kanyang ama ay inimbitahan ng mga pulis na sumama sa himpilan subalit hindi na pinauwi at tuluyan nang ikinulong kung saan ay sapilitang pinaamin sa nasabing krimen. Tama po bang umaresto ang isang otoridad o kagawad ng pulisya na walang “mandamyento de aresto” o warrant of arrest?

Personal pong nakausap ni PILANTIK ang ama ng itinuturong pangunahing suspek sa nasabing krimen at sumusumpang handa niyang panindigan ang lahat ng kanyang sinabi mula sa kanyang anak, kung bakit nagawa nitong aminin sa kasong ibinibintang sa kanya gayung inosente ito,

Ayon sa ama ng suspek na tawagin na lamang natin si Mang Teteng, “tadtad ng pasa” sa katawan at maging sa leeg ang kanyang anak ng kanyang datnan sa himpilan ng pulis. Dahil sa kanyang nasaksihan ay pilit niyang kinukuha at hinihingi ang cell phone ng kanyang anak na kinuha ng mga pulis upang kunan ng larawan ang mga pasa sa katawan ng kanyang anak sa paniniwalang maaaring ibidensya, subalit ayaw raw ito ibigay ng mga pulis sa hindi niya malamang kadahilanan gayung pag-aari ito ng kanyang anak na hanggang ngayon ay nasa kulungan

Sa aking pagkakaalam, ang pagkuha ng anumang bagay na hindi mo pag-aari na walang pahintulot sa nagmamay-ari ay maliwanag at maituturing na pagnanakaw sampung beses mang ang may-ari ay mayroong nagrereklamo.

Sa patuloy na pagkukuwento ni Mang Teteng sa sinapit ng kanyang anak, sinabi di-umano sa kanya ng kanyang anak “sinukluban ng makapal na plastik sa ulo ang kanyang anak at sapilitang ipinaamin ang kasong panggagahasa at pagpatay kasabay ng matinding pagpapahirap. Dahil doon ay napilitan na lang raw aminin ni melvin ang kasalanang diumano ay wala siyang kaalam-alam”.

Idinagdag pa ni Mang Teteng na hanggang sa kasalukuyan ay nakikiusap ang kanyang anak (suspek) na kung maaari hangga’t maaga pa ay ipa-autopsy ang bangkay at kunin lahat ang maaaring gawing ibidensiya laban sa kanya, kung mayroong makukuha ay kanya itong tatanggapin kung ito ay nagmula sa kanya.

Ayon pa diumano ay sinabi pa raw ng kanya na sa sandaling siya ay pinahihirapan, kahit ang pagpatay kay Jose Rizal ay magagawa niyang aminin sa tindi ng pagpapahirap na kanyang nalasap sa kamay ng mga pulis na hindi niya nagawang makilala dahil may suklob na makapal na plastik ang kanyang ulo.

Narito po ang mga pangalan ng mga pulis na may kinalaman sa ginawang “maling pag-aresto” sa kanyang anak na ayon kay Mang Teteng ay kanyang nakuha mula sa police report ng himpilan ng pulisya ng Pulilan.

Ito ay kinabibilangan nina PO1 Rodolfo Floresca , PO1 Michael Alfaro, Jr., isang SPO1 Salamat, SPO1 Romel Somoso at isa pang SPO1 Malabon. Aaminin ko po na ang ilan sa mga pulis na ito ay hindi na bago sa aking pandinig ang mga pangalan at hindi lang po miminsang inireklamo na gumagawa ng hindi dapat kung batas po ang pag-uusapan.

Hindi po sa pinangungunahan ko ang ilang hepe ng kapulisan, sapagkat sa tingin ko po ay tila may kaunting pagkakamali sa mga ginagawang operasyon ng ating kapulisan.

Pansinin po ninyo, kung hindi PO1 ay SPO1 ang siyang kadalasang nagsasagawa ng mga maseselang operasyon. Mga pulis na “bagito” at kapus ang kaalaman kung operasyon ang pag-uusapan, kaya tuloy kapag sumablay, ang sinisisi ay ang kanyang mga opisyal na walang kaalam-alam.

Hindi po ba maaaring itong mga PO1 at SPO1 bago isabak sa isang maseselang operasyon ay sanayin munang mabuti o di kaya naman ang kanilang operasyon ay pasamahan o pagabayan sa isang may mataas na katungkulan, isang tinyente o di kaya ay sa isang kapitan na makapagsasabi na “Hoy mga bata mali na yan.”

Batid ni PILANTIK na walang hepe ng presinto o ng kapulisan na magmamando o mag-uutos sa kanyang mga tauhan na gumawa ng isang bagay na makasisira sa kanyang iniingatang malinis na pangalan, subalit nangyayari ito dahil na rin sa kanilang ilang tauhan na umaabuso sa kanilang mga katungkulan.

Aaminin ko po at maaari kong ipagyabang na kung ang pag-uusapan ay ang pagpapatupad ng batas dito sa aking bayang Pulilan, hindi po matatawaran ang galing at kakayahan ng aming Hepe ng Kapulisan. Hindi po ito isang pagsisipsip sapagkat batid ng taong aking tinutukoy at kahit na sinong opisyal na aking kinilala at isinulat ang ginawang magandang halimbawa, kaylan man ay hindi po nila nasilayan ang pagmumukha ni PILANTIK sa kanilang mga tanggapan o opisina subalit sa pagkakataong ito ay hihingi si PILANTIK ng pabor sa magaling na hepe ng aking bayang Pulilan..

Kalakip po ng atikulong ito ang isang lambing at pakiusap kay P/Supt. Arwin M. Tadeo na kung maaari ay kanyang tulungan at dinggin ang daing ng mga taong naging biktima ng mga maling pagtrato at pag-aresto ng ilang nabanggit na pulis.

Pangit man pong sabihin at aking pong uulitin na aking ipinag-walang bahala ang mga reklamo na aking natanggap at hanggang ngayon ay aking natatanggap mula sa mga pamilya na diumano ay dumanas ng hindi tamang pagtrato mula sa ilang nabanggit na pulis.

Ang lahat po ng sumbong at reklamo ay aking po ipinagwalang bahala sa dahilang ayaw ko po na masira ang imahe ng kapulisan sa bayan ko, higit po sa lahat ang aming Chief of Police na batid kong isang matinong police officer.

Bago po tayo lubusang magwakas, muli po ay ating kinakatok ang pang-unawa ng aming chief of police na kung maaari ay bigyang pansin ang hinaing ng marami kong kababayan, ang usisain ang ilan sa kanyang mga tauhan hinggil diumano’y mga maling pagtrato at pag-aresto sa ilang taong pinghihinalaan pa lamang.

Umaasa po si PLANTIK sa inyong makatuwirang pang-unawa at tuloy po ay masawata ang mga ginagawang maling pagtrato sa ating kapwa. (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here