Suspek sa pagpatay sa Ateneo student, nasakote sa Marikina

0
175

MARIKINA CITY — Nadakip ng mga otoridad nu’ng Martes (Dec. 4) ang pangunahing suspek sa pagpatay sa estudyante ng Ateneo De Manila University kamakailan sa Molina St., corner Blue Bird St., sa nasabing lungsod.

Nakilala ang suspek na si Jayvee Santos “Alyas Diablo”, nasa hustong gulang, residente ng Blk. 68. Palay St., Brgy. Tumana, Marikina City habang ang biktima ay si Francis Arnold Deleon, 24-anyos, residente ng #37 4th St. Claire 2 Subdivision, Brgy. Concepcion.

Base sa ipinadalang report ni Marikina City Police Chief Senior Supt. Roger L. Quesada kay NCRPO Police Director Guillermo Eleazar, naaresto ang suspek sa Apitong St., Marikina Heights matapos na ituro ito ng isang hindi na pinangalanan na impormante na kaibigan ng suspek.

Ayon sa salaysay ng naturang impormante sa mga otoridad hinikayat umano siya ng suspek na mangholdap kasama ang isang “Alyas Pogi” nuon Nobyembre 30, 2018 subalit tumanggi umano siya at hind sumama.

Kinabukasan ay bumalik ang suspek sa bahay ng impormante at ipinagmayabang ang dala nitong cellphone na nakuha umano niya sa panghoholdap kung saan napatay ang biktima na si De Leon at inalok na tulungan ibenta ang nakuhang gamit at bibigyan siya ng parte.

Subalit bandang alas-2 ng hapon ay nakita ng impormante ang post sa social media ng Marikina PNP tungkol sa balitang may natagpuang bangkay sa pinangyarihan ng krimen at may kalakip na pabuya sa sinuman na makapagtuturo sa suspek.

Sa tulong ng rougue gallery ay positibong itinuro ng impormante ang suspek na nasa litrato kasama ang isang “Alyas Pogi” na mga sangkot sa mga serye ng holdapan sa Marikina City, at Binangonan, Rizal gamit ang isang balisong at baril.

Mabilis na umaksyon ang mga kapulisan at nagsagawa ng follow-up operations sa tulong ng mga Barangay Intelligence Networks (BINs) ay naaresto ang suspek subalit nakatakbo ang dalawang kasama nito at nabawi sa suspek ang baril na ginamit sa pagpaslang sa biktima.

Sa sumunod na follow-up operations ay nasakote naman si “Alyas Pogi” sa kahabaan ng Ampalaya St., sa Tumana, Marikina City at nakumpiska ang dala nitong balisong.

Pansamantalang nakadetine sa Marikina City Police Station ang dalawang suspek habang inihahanda sa korte ang kanilang mga kaso. (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here