Home National News Swiss Challenge para sa konsesyon ng New Manila International Airport, binuksan na...

Swiss Challenge para sa konsesyon ng New Manila International Airport, binuksan na ng DOTR

91
0
SHARE
Makikita sa larawan ang mas pinainam at nirebisang rendisyon ng arkitekto para sa itatayong New Manila International Airport sa 2,500 ektaryang lupa at baybayin ng Bulakan, Bulacan. Nagkakahalaga ng P754 bilyon ang proyekto na isasailalim ngayon ng Department of Transportation (DOTR) sa Swiss Challenge upang malaman kung kaninong kompanya ipagkakaloob ang konsesyon upang mamuhunan, itayo, patakbuhin at pangasiwaan ang nasabing paliparan. (Larawan mula sa SMC)

BULAKAN, Bulacan — Nagtatawag na ng iba pang pribadong kompanya ang Department of Transportation (DOTR) upang tapatan ang alok ng San Miguel Corporation na mamuhunan at patakbuhin ang operasyon ng proyektong New Manila International Airport, na nakatakdang itayo sa bayan ng Bulakan, Bulacan.

Sa inilabas na pabatid ng ahensiya, binubuksan ng DOTR ang Swiss Challenge na kung sinuman ang interesadong pribadong sektor na lumahok sa subasta, ay maaaring magsumite ng kanilang alok o panukala hanggang Hunyo 23, 2019. Kinakailangan itong lakipan ng P10 milyong bidding fee.

Base sa itinakdang terms of reference ng DOTR, ang ‘mananalong’ pribadong sektor ang siyang pagkakalooban ng 50 taon konsesyon upang mamuhunan, idisenyo, itayo, patakbuhin at pangasiwaan ang New Manila International Airport at iba pang kaugnay na pasilidad para rito. Paiiralin ng ahensiya ang kasalukuyang alintuntunin ng Built-Operate-Transfer (BOT) na isang mekanismo ng Public-Private Partnership (PPP), para sa isang unsolicited project.

Nakaklasipika bilang unsolicited project ang panukalang New Manila International Airport dahil ito ay kusang inialok ng isang pribadong kompanya, ang San Miguel Corporation. Sa isang hiwalay na panayam ng Philippine Information Agency (PIA) kay DOTR Secretary Arthur Tugade, ang Swiss Challenge ay isang proseso kung saan pwedeng tapatan ng iba pang pribadong kompanya ang orihinal na nag-aalok ng proyekto.

Nagkakahalaga ng P754 bilyon ang alok ng orihinal na nagpanukalang San Miguel Corporation. Ito ang dapat na tapatan o higitan pa ng ibang pribadong kompanya, upang sa kanya maipagkaloob ang konsesyon. Kung walang makakatapat, pagkakalooban ng DOTR ang nagpanukalang kompanya ng ‘original proponent status.’ Sa kasalukuyan, ang San Miguel Corporation ang siyang may konsesyon sa modernisasyon at operasyon ng Caticlan Airport sa Aklan na siyang lapagan ng mga eroplanong may dalang mga turista papunta sa Boracay.

Noong Disyembre 21, 2018, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang proyektong New Manila International Airport bilang tagapangulo ng National Economic Development Authority (NEDA) Board.

Itatayo ito sa may 2,500 ektaryang lupa sa baybayin ng Bulakan, Bulacan. Sa laki ng espasyo, kaya nitong maglulan ng 60 eroplano kada oras dahil magkakaroon ito ng apat na runways. Ibig sabihin, uubrang lumipad at lumapag ang apat na eroplano nang sabay-sabay. Tinatayang magreresulta ito sa 100 milyong pasaherong mapagsisilbihan nito kada taon.

Bukod sa pagtatayo ng mismong istraktura ng New Manila International Airport, kasabay na gagawin ang 8-kilometrong expressway na mag-uugnay mula sa pagtatayuan ng paliparan papunta sa North Luzon Expressway (NLEX). Iba pa rito ang ilalatag na Shoreline Expressway mula sa paliparan, na dadaan sa Manila Bay, papunta sa Roxas Boulevard at Diosdado Macapagal Boulevard sa Maynila at Pasay.

Ayon pa kay Secretary Tugade, ang pagpayag ng administrasyong Duterte na sumulong ang pagsasakatuparan ng New Manila International Airport ay bahagi ng polisiyang multi-airport strategy. Ibig sabihin, hindi lamang limitado sa isa o dalawang paliparan ang dapat na itayo sa palibot ng kabisera ng bansa. Matatandaan na nasa kasagsagan na ang konstruksiyon ng Terminal 2 ng Clark International Airport sa Pampanga, na isang oras mula sa Bulacan, at sinisimulan na ang modernisasyon ng 4 na terminals ng Manila International Airport (MIA). Iba pa riyan ang panukalang gawing ganap na paliparan ang isang airstrip sa Sangley sa may Cavite.

Source: Philippine Information Agency

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here