Home News Report Tagumpay ng laban sa kahirapan ng mga benepisyaryo ng 4Ps sa Gitnang...

Tagumpay ng laban sa kahirapan ng mga benepisyaryo ng 4Ps sa Gitnang Luzon, pinarangalan ng DSWD

SHARE

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Nang dahil sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, ang dating nagbabakal-bote ay nakapagpasemento na ng bahay.

Iyan ang pinatunayan ng 2017 Ulirang Pantawid Pamilya ng Gitnang Luzon- ang Pamilya Ramirez ng bayan ng Hermosa sa Bataan dahil tunay namang nakatawid na sila sa tanikala ng karalitaan.

Si Rener Ramirez, dating nagbabakal-bote, katuwang ang kanyang asawang si Irene, ay matagumpay na nakapagpatapos ng panganay na anak sa kolehiyo sa kursong Edukasyon.

Malaki ang naging papel ng 4Ps na mapag-aral ang kanilang mga anak sa kolehiyo at high school na hindi lamang nakaasa sa pagiging isang welder.

Nagbunga agad ang pamumuhunan ng mag-asawa sa Edukasyon.

Sinagot na ng kanilang panganay ang pagbili ng Tricycle upang hindi lang pagiging welder ang pagkakitaan. Nakakapagtrabaho na rin ang pangalawa nilang anak kaya’t naipundar ang main door ng kanilang tahanan at nakabili rin ang panganay ng isang flat screen T.V. at washing machine.

Ang pagiging welder at pamamasada ng Tricycle ang naging dahilan naman para makakuha ng brandnew na refrigerator ang mag-asawa.

Dahil sa mga bagong pinagkakakitaan at ayuda ng 4Ps, mula taong 2012 hanggang kasalukuyan, ang dating bahay na sawali ang pader at lupa ang sahig ay unti-unting naitinding bilang tahanang konkreto, may palitada at tiles. Hinuhulugan na rin nila ang lupang kinatitirikan nito.

Pumangalawa naman sa kanila ang pamilya Pena ng bayan ng Maria Aurora sa Aurora.

Nang magkaroon ng sustentong 4Ps, naging daan ito upang makabili sila ng isang Baka na ginawang inahin at nakapagpaanak ng dalawa pang mga Baka.

Nang maibenta ang dalawang naipaanak na Baka, nakabili ng 1,000 piraso ng semento at mismong ang padre de pamilya ang nagpanday sa bahay, katulong ang mga anak at maybahay.

Kasabay nito, napalakas ang pagtitinda nila ng Kamote at naglingkod bilang tagabantay ng mga patubig sa mga lupang sakahan.

Bukod sa konkretong bahay, malapit nang magtapos sa kolehiyo ang pangalawang anak habang regular na pumapasok sa paaralan ang mga anak na nasa high school.

Pumangatlo naman sa naturang kumpetisyon ang pamilya ni Virginia Navarez ng bayan ng Santa Maria sa Bulacan.

Hindi naging hadlang ang pagiging solo parent niya upang mapagtagumpayan ang kanyang laban sa kahirapan, at makatawid tungo sa kaginhawahan ng buhay.

Sa tulong ng 4Ps, napagtapos niya ang panganay na anak sa kursong Hotel and Restaurant Service.

Nadagdagan naman ang kanyang makinang panahi na isa sa pinagkukuhanan nila ng kabuhayan.

Sa tulong din ng Sustainable Livelihood Progam, napasimulan ang kanyang bigasan na nakatlong din para suplayan ang pangangailangan sa bigas ng kanyang kapwa 4Ps.

Iba pa rito ang pagtitinda ng Chicharon sa tulong ng kanyang panganay.

Bukod sa araw-araw na gastusin, tinutustusan ng 4Ps at mga kabuhayang naipundar nito ang pag-aaral ng dalawang anak sa high school at isang special na anak.

Siya rin mismo ang naging instrumento upang ipakulong ang sariling asawa dahil sa pagiging adik sa iligal na droga.

Ayon kay Department of Social Welfare and Development o DSWD Regional Director Gemma Gabuya, masusing pinili ang mga pamilyang modelo ng 4Ps base sa itinakdang pamantayan.

Una na riyan ang isang pamilyang may malapit at aktibong ugnayan at kooperasyon sa kanyang komunidad na nagsusulong ng pagpapahalaga.

Kung sila ba ay nagpakita ng pagmamahal, paggalang, pakikiisa at paglahok sa mga makabuluhang gawain.

Dito makikita kung sa kabila ng dinanas na kahirapan, bukas pa rin silang maglingkod o tumulong sa kapwa. Kinilala rin dito kung malusog na namumuhay ang pamilyang 4Ps at isinasabuhay ang pagiging makakalikasan sa pamamagitan ng malinis na tahanan, bakuran at ang pagkakaroon ng sariling gulayan.

Iba pa rito kung isinasama ba sa inihahaing pagkain ang masusustansiyang naaani sa nasabing gulayan.

Higit sa lahat, sinusuri rin sa pagiging Huwarang Pantawid Pamilya kung ano ang sistema o paano ginagastos ang perang ipinagkakaloob ng 4Ps at anu-ano ang mga pamamaraan upang malabanan ang kahirapan at makamit ang kaginhawaan ng buhay.

Binubuo ng mga kinatawan mula sa DSWD, Department of Education, isang psychologist at taga-Philippine Information Agency ang lupon ng mga tagapagpili.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here