Tamang paraan ng paggamit ng social media gagawing extra curriculum

0
2651

MAY katwiran sina Marikina City Rep. Miro Quimbo at Aurora Rep. Juan Edgardo “Sonny” Angara, na panahon na upang magsulong ng isang batas na mag-aatas sa Department of Education o DepEd, na gawing isang extra curriculum activities ang pagtuturo sa tamang paraan ng paggamit ng mga social networking site, lalo na ang in-demand ngayon na facebook sa mga kabataang mag-aaral sa mga public school na katulad ng elementary at high school.

Ayon sa dalawang solon, kinakailangan anila na habang bata pa ang mga estudyante ay maiturpo at maitanim na sa kanilang kaisipan papaano magiging responsable sa paggamit ng mga social networking site.

Sinabi ni Rep. Quimbo, na batay aniya sa resulta ng isinagawang survey ng AGB Nielsen, panglima ang Pilipinas sa may pinakamaraming gumagamit ng Facebook site, kayat kailangan ng kumilos ang pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng bawat estudyante sa paggamit nito.

Idinagdag naman ni Rep. Angara, na magandang lugar aniya ang mga paaralan upang maipamulat sa mga kabataang estudyante ang kahalagahan sa paggamit ng modernong teknolohiya at kung ano ang mga bagay na hindi nila dapat na gawin kapag gumagamit ng sila social networking site.

Ayon pa kay Rep. Angara, na siyang author ng panukalang batas sa Cyber crime, na bukod sa mga magulang, makikinig din aniya ang mga bata sa kanilang mga guro. Kaya dapat ay mabigyan ng sapat na impormasyon ang mga kabataang estudyante kung ano ang mga dapat lamang nilang i-post sa kanilang mga profile. Ano ang mga larawan o photos na hindi dapat i-post? Ano ang mga responsibilidad nila bilang facebook user, at dapat ay huwag ring basta magtitiwala sa mga makikilala nila dito.

May mga bagay nga naman na naka-post sa facebook na mahirap intindihin ng murang kaisipan ng mga kabataan na maaring magdulot ng negatibong interpretasyon sa kanilang kaalaman na posible ring mauwi sa hindi magandang resulta kapag kanilang nakita. Kaya’t marapat lamang na gawin na itong bahagi ng pag-aaaral upang maipaliwanag na mabuti sa kanila ang kahalagahan ng tinatawag na responsible user.

Wala naman sigurong tututol sa sa panukalang ito dahil para na rin ito sa kabutihan ng mga kabataang sinasabi ni Dr. Jose Rizal, na siyang Pag-asa ng ating Bayan.

Kita- kits po uli tayo next week. More blessing to us…

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here