Home EXTRAFONTS The Beatles Forever

The Beatles Forever

17
0
SHARE
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

MAY ilang kabataang millenial ang nagtanong sa akin kung sa panahon ko daw ba nangyari ang kasikatan ng grupong Beatles. Ang ibig sabihin marahil ng millenials na nagtanong sa akin ay sa panahon ng aking kabataan.

Eksakto ang aking sagot sa kanila. Panahon ng aking kamusmusan ay panahon naman ng kasikatan nina John Lennon, Paul McArtney, George Harisson at Ringo Starr.

The Beatles

Inabot pa ng aking pagbibinata ang popularidad ng Beatles, pero panahon din noon ng kanilang paghihiwa-hiwalay kaya ang panahon ng aking kabataan ay disco era na at OPM ang uso — sandaling natakpan ng Pinoy bands ang foreign music.

 

Isa rin ako sa masugid na tagahanga noon ng Beatles at kung kailan sila nagkahiwa-hiwalay ay saka naman nabuhay ang Beatlemania. Ang huli nilang album na may pamagat na “Let it be” ay matagal na namalagi sa music chart noong dekada 70.

Sa kasalukuyan ay dalawang miyembro na lang ng Beatles ang buhay at aktibo pa rin sa kanilang propesyon, sina Paul at Ringo. May kani-kaniyang banda ang dalawa at kung minsan ay nagkakasama sila sa live concert kahit sila ay matatanda na.

Mabuti na lang at mayroong You Tube dahil anumang oras mo gustuhing pakinggan ang mga awitin na pinasikat ng Beatles, i-search mo lang sa You Tube kahit sa iyong android phone ang mga awitin ng Beatles ay lalabas ang kanilang popular songs. Kahit nga sa FB ay puwedeng i-search ang mga kanta ng famous band mula sa Liverpool, England.

Madalas kasi akong mag-share sa Facebook ng mga kanta ng Beatles tulad ng Hey Jude, Let it Be, A hard Days Night, Yesterday at marami pang iba. Wika nga, The Beatles forever. Kahit pa magpalit-palit ng henerasyon ay hindi mawawala sa song chart ng mundo ang mga awitin ng Beatles.

Marami ang bilib kay Paul McArtney dahil kahit siya ay 76-anyos na ay nagagawa pa rin niyang mag-perform sa concert at awitin ang Beatles songs na siya mismo ang umawit. Lamang, medyo mababa na ang kanyang boses hindi gaya noon na ang kanyang vocal range ay umaabot sa C3.

Noong panahon ng aking kabataan, kayang kaya kong kantahin ang mga awitin ng Beatles at kahit sa panahong ito ng videoke era ay inaawit ko pa rin ang mga kanta ng Beatles. Mabuti na lamang at may videoke na ngayon. Noong araw, kailangang marunong kang tumugtog ng gitara o gitarista para ikaw ay makakanta.

Dahil ako ay musikero, nakatutugtog ako ng gitara kahit pa bass guitar o keyboard man ‘yan. Kaya kapag sinabing standard music kasama na riyan ang mga kanta ng Beatles at Bee Gees.

Maraming singing group ngayon na maihahalintulad sa lucis ang kanilang kasikatan na sandaling liwanag lang. Kapag pinasikat nila ang isang kanta ay talagang patok agad. Pero pagkaraan ng ilang buwan ay hindi na marinig ang pinasikat nilang kanta. Hindi katulad ng Beatles songs na mula dekada 60 hanggang sa panahong ito ay pinatutugtog pa rin sa FM radio at nananatili sa world song book. (RONDA Balita Online News)

SHARE
Previous articleTips sa pagpili ng kandidato ngayong Midterm Election 2019
Next articleAlvarado underscores the importance of unity and concern for the environment to achieve progress
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here