Tradisyunal na Puni ng Malolos, pinakabagong OTOP Next Gen ng Bulacan

0
68
Makikita sa larawan ang mga kababaihan ng Malolos na gumawa nitong mga Puni. Sila ang mga sinanay ng bagong tatag na negosyong Punique Timeless Woven Art upang maparami ang paggawa ng Puni at lalong makilala ang Malolos na pinaggagawaan nitong mga likhang sining. (Kuha ni Shane Frias Velasco)

MANDALUYONG CITY — Bumida sa ginaganap na 21st Likha ng Central Luzon Trade Fair sa SM Megamall, dito sa naturang lungsod ang tradisyunal na Puni ng Malolos.

Tangan-tangan ni Jonnah L. Garcia, social entrepreneur ng Punique Timeless Woven Art na nakabase sa barangay San Vicente sa Malolos, ang isang Puni na likhang sining mula sa halamang Buli. Mula sa isang simpleng libangan ng kanyang biyenan, itinaguyod niya ito upang pormal na maging negosyo at ngayo’y isa nang pinakabagong produktong Tatak Bulakenyo na nakapasok sa One Town, One Product (OTOP) Next Generation ng Department of Trade and Industry (DTI). (Kuha ni Shane Frias Velasco)

Isa itong likhang sining na mula sa dahon ng Buli na ginagamit bilang palamuti sa mga pampamilyang okasyon gaya ng mga kasal, kaarawan, piging at iba pang malalaking pagtitipon.

Ayon kay Jonnah L. Garcia, isang social entrepreneur nitong Punique Timeless Woven Art na nakabase sa barangay San Vicente sa Malolos, ito ang kauna-unahang pagkakataon na lumahok siya sa taunang Likha ng Central Luzon Trade Fair, mula nang maisama ng Department of Trade and Industry (DTI) ang paggawa ng Puni bilang pinakabagong produktong ‘Tatak Bulakenyo’ na naipasok sa programang One Town, One Product (OTOP) Next Generation.

Bagama’t matagal na silang gumagawa ng mga Puni ng kanyang biyenan na si Noemi P. Garcia, isa ring taga-Malolos, dalawang taon pa lamang pormal na nagbukas ang Punique Timeless Woven Art.

Ayon kay Jonnah, bago pormal na naging negosyo itong paggawa nila ng mga likhang sining na Puni, isang libangan o hobby lamang ng kanyang biyenan ang paggawa ng Puni. Kapag may natuwa sa mga likha ng kanyang biyenan, may mga nagpapagawa at binibili ang bawat isang Puni sa halagang P25.

“Hindi lamang isang negosyo itong pagtitinda at paggawa ng Puni. Gusto rin naming ma-modernize ang art sa pamamagitan ng paggawa ng Puni at lalong maipakilala na ginagawa ito sa Malolos,” aniya.

Ayon naman kay Noemi, kinder pa lamang ay nahaling na siya sa mga gumagawa ng Palaspas sa simbahan tuwing Domingo de Ramos o ang araw ng Linggo na simula ng mga mahal na araw. Mula noon, sinubukan niyang gumawa hanggang sa tuluyang dumami ang mga nagpapagawa.

Katunayan, ipinagmalaki rin ni Jonnah na bago maging pormal na negosyo itong Punique Timeless Woven Art, umorder ng 4000 piraso ng Puni ang ASEAN National Organizing Committee. Ginamit ito sa ginanap na Gala Dinner para sa 31st Association of South East Asian Nations (ASEAN) Leaders’ Summit na idinaos sa bansa noong 2017.

Para kay Jonnah, ito ang nagbunsod nang magdesisyon siya na kumbinsihin ang kanyang biyenan na tuluyan na itong gawing pormal na negosyo at agad naman aniya itong pumayag. Dahil dito, nakahikayat sila ng limang kababaihang taga-Malolos na maging taga-gawa ng mga Puni upang dumami ang produksiyon base sa mga nagpa-order. Masikap itong sinanay upang matutunang gumawa ng Puni.

Pinakasikat sa mga likhang sining na Puni ay ang mga hugis Ibon, Bibe, Rosas, Hikaw, flower frame, flower ball at ribbons.

Kaugnay nito, ikinagalak naman ni DTI Undersecretary Blesila A. Lantayona ang pagdating nitong bagong produkto ng OTOP Next Generation sa 21st Likha ng Central Luzon Trade Fair. “Mula noong panahon ko na ako ay regional director ng DTI-Central Luzon, sa paglibot ko, ang dami-dami nang bagong mga produkto. Patunay ito na epektibo ang mga programa ng DTI at dumadami ang mga nai-ooffer natin sa merkado,” aniya.

Tatagal ang pagdadaos ng 21st Likha ng Central Luzon Trade Fair hanggang Oktubre 6, 2019. Matatagpuan ito sa Megatrade Hall sa ikalimang palapag ng SM Megamall Building B sa EDSA-Ortigas sa lungsod ng Mandaluyong.

Source: PIA/Shane Frias Velasco

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here