Home Katropa Rumoronda Tulay sa San Jose Del Monte, malapit nang bumigay!

Tulay sa San Jose Del Monte, malapit nang bumigay!

161
0
SHARE
Opinion Column ni Vic  Billones lll

BIGYAN pansin natin ang ipinaabot na problema sa malapit ng gumuhong tulay sa Kay Salop, sa Lungsod ng San Jose Del Monte.

Nanganganib na mabiyak ng tuluyan ang malalaking bitak na haliging semento, sa ilalim ng tulay ng Kay Salop, na nagdudugtong sa Barangay Poblacion at Barangay Dulong bayan, City of San Jose Del Monte (CSJDM,) Bulacan. Ang nasabing bitak ay matagal ng inirereklamo ng taumbayan.

Ang nasabing bitak na tulay ay nagsimulang isarado ng mga kinauukulang awtoridad, noon pang ika-6 ng Pebrero, 2018, upang maiwasan ang anumang sakuna na maidudulot nito sa mga biyahero ay namamasada ng mga sasakyan. Hanggang ngayon habang isinusulat ito, ay nananatiling suliranin ng taumbayan ang kalagayan ng naturang tulay.

Ika nga ng ating nakausap, lubhang “kailangang maiayos na iyan, ilang buwan na ang aming pagtitiis. Ang nangyayari tuloy, doon kami dumaraan sa Barangay Kaypian. Nadagdagan ang gastos namin sa pasahe, at ang ‘travel time’ ay humaba.”

Ang problemang kinahaharap ng nasabing tulay ay nakarating sa atensyon nina Punong Lungsod Arturo Robes at Kongresista Florida Robes. Agad nilang tinunguhan ang nasabing tulay at nagsiyasat, kasama ang mga kinatawan ng Department of Public Works and Highways (DPWH,) kamakailan.

Dahil dito ang mag-asawang Robes ay gumawa ng paraan na ipaabot ang suliranin ng personal kay Gobernador Wilhelmino Sy Alvarado, ng Bulacan, sa dahilan na ang kalagayan ng bitak na tulay ay isang panlalawigang kalsada na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Pamahalaang Lalawigan ng Bulacan.

Patuloy ang pagusad ng panahon, ngunit tila hindi napapansin ng Pamahalaang Panlalawigan ang nakaambang panganib at ang idinudulot na perwisyo ng pagkakasarado ng bitak na tulay sa taumbayan. Ang problema ay nananatiling suliranin pa rin. Kaya gumawa ng paraan ang Pamahalaang Lungsod at si Kongresista Rida Robes na akuin na lamang ang pagpapasaayos ng tulay, matapos itong mahanapan ng pondo sa Department of Public Works and Highways (DPWH.)

Subalit ang tulong sa pagsasaayos ng Pamahalaang Lungsod ay tila nabaliwala, sa dahilang tila tinangihan ng Pamahalaang Panlalawigan, ang nasabing alok ng mag-asawang Robes, na maayos ang naturang tulay, upang magamit na ito ng mga mamamayang lagiang bumabagtas sa nasabing lugar.

Ang pakikipag-ugnayan ng Pamahalaang Lungsod ng San Jose Del Monte, sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, ay patuloy upang tuwirang magawan ng solusyon ang rehabilitasyon ng tulay ng Kay Salop.

Tsk! Tsk1 Tsk! Mismo ako ay napeperwisyo din sa problemang ito. Noong nadadaanan pa ang tulay na ito ay mabilis ang aking ‘travel time.’ Pero ngayon kailangan sa kabilang dako pa ng karatig bayan ako dumaan, na lagian namang may problema sa trapiko. Tinawagan natin ang ating kaibigan na si Gov. Willy Alvarado, na baka maaaring aksyunan na ang problemang ito sa tulay ng Kay Salop.

At kayo naman na nasa Engineering Department sa lalawigan, ano ba ginagawa ninyo? Tila kakaang-kaang kayo sa malamig ninyong mga tanggapan, aba ilang buwan na ba ang nakalilipas, at hanggang ngayon ang bitak sa tulay ay andoon pa rin! Aba abisuhan ninyo ang ating Gobernador, sa posibleng maidulot na panganib ng nasabing tulay. Isagawa ninyo ang ‘estimate’ ng pagsasaayos ng tulay, at para magawan ito ng budget. Zzzzoooorkkkkk!

Kung may nais kayong ipalathala ay ipadala lamang sa ating email address: billones@ralo.org. Hanggang sa muli.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here