Tuluy-tuloy na road clearing operation hanggang 2022

0
99
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

MAGPAPATULOY ang isinasagawang clearing operation hanggang sa matapos ang termino sa 2022 ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ito raw ang nais mangyari ng pangulo. Ikinasiya raw ng punong ehekutibo ang magandang performance ng DILG at ng pamahalaang lokal sa naging partisipasyon ng mga ito sa nakaraang 60-days clearing ops.

Matatandaang nagbigay ng animnapung araw si Pangulong Duterte sa mga local government official na alisin ang mga obstruction sa lahat ng lansangan sa bansa at ibalik sa publiko ang sidewalk o bangketa upang madaanan ng mga mamamayan.

Sa mga nagdaang panahon kasi ay naghari ang anarkiya sa lansangan kung saan pati ang gilid ng kalsada na nakalaan sa pedestrians ay tinayuan ng kung anu-anong sagabal tulad ng tindahan, waiting shed at ibang permanenteng istraktura kaya ang pedestrians ay sa kalsada mismo naglalakad.

Kaya ipinagutos ng pangulo ang road clearing upang basagin ang nakamulatang tradisyon ng pagwawalang-bahala at kapabayaan ng mga namumunong opisyal ng pamahalaan. Pwede naman palang gawin ang gayong hakbang upang mapasunod ang mga pasaway na mamamayan.

Malaking hamon sa LGUs ang kautusang ito dahil tiyak na sasakit ang mga ulo ng mga lokal na opisyal ng gobyerno kung papaano nila mapapanatili ang pagsasaayos ng kani-kanilang nasasakupan.

Ayon sa validation report mula sa 1,246 LGUs, sa bansa, aabot sa 6,899 kalsada umano sa buong Pilipinas ang nalinis sa lahat ng uri ng sagabal sa kalsada, samantalang may 328 local government ang nakakuha ng high compliance, habang 497 at 323 ang nakatanggap ng medium at low compliance rating, habang 97 naman ang bumagsak.

Kaya huwag magtaka ang publiko kung makakakita kayo ng mga tanod at mga barangay official na nagsasagawa ng road clearing dahil gagawin nila ang nasabing aktibidad hangga’t si Duterte ang pangulo ng Pilipinas. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here