Home EXTRAFONTS Tuyot na tuyot ang irrigation canal

Tuyot na tuyot ang irrigation canal

19
0
SHARE
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

MULA sa bayan ng Bustos, isa mga munisipalidad na sakop ng Ikalawang Distrito ng Bulacan ay naroon ang Bustos Afterbay Dam, ang irrigation dam na pinangangasiwaan ng National Irrigation Administration (NIA).

Mayroon itong mga main irrigation canal na ang isa sa mga canal na ito ay bumabaybay sa mga barangay ng mga bayan ng Bustos, Plaridel at mayroong mga tribyutaryo o maliliit na padaluyang-tubig na dumaan ng Malolos, Calumpit hanggang sa bayan ng Paombong.

Masaganang dinadaluyan ng tubig ang naturang main irrigation canal na nagpapatubig sa mga palayan ng Bustos, Plaridel, Malolos, Calumpit at ilang barangay sa Paombong. Pero ngayon ay problema ng mga magsasaka ang tubig sa kanilang mga sinasakang bukirin.

Kung tutuusin hindi naman sa Angat Dam, direktang kumukuha ng tubig ang mga palayan sa Plaridel, Malolos, Calumpit at Paombong, kungdi sa Bustos Irrigation Dam. Itong dam na ito ay umaasa rin sa tubig-ulan at dahil naging maramot ang kalikasan sa pagbibigay ng ulan nitong nakaraang rainy season o habagat, talagang naapektuhan ang mga water reservoir tulad ng Angat Dam at Bustos Dam.

Sa madaling salita, mababa ang antas ng tubig sa naturang mga dam kaya hindi makapagpaagos ng tubig ang NIA, sa nasabing irrigation canals. Sa lugar namin sa Plaridel ay tuyot na tuyot ang patubig. Ang mga bukid ay tinubuan na ng damo na dapat sana ay makakapag-aani na ang mga magsasaka ng palay sa huling bahagi ng Pebrero, pero hindi yata mangyayari ang gayon.

Ang palaging itinatanong ng mga magsasaka ay kung kailan magpapakawala ng tubig ang NIA sa irrigation canals para mabungkal na nila ang kanilang nga tigang na bukirin at nang makapagtanim na sila ng palay.

Sa gayong senaryo ay hindi maiwasang mag-iba ng isip ang mga magsasaka. Kung ang landowners ang tatanungin kung gusto pa nilang pag-anihan ng palay ang kanilan mga lupang sakahan ay tiyak na isang malaking ‘NO!’ ang kanilang isasagot at kung tatanungin din naman sila kung gusto na nilang ipagbili ang kanilang mga bukid ay isang malaki ring ‘YES!’ ang kanilang itutugon sa tanong.

Papaano nga naman mabubuhay ang mga pamilya ng mga magsasaka kung palaging delayed ang tubig o talagang hindi kayang makapagpatubig ng kinauukulang ahensiya sa panahong ito. Baka nga kailangan nang umaksyon ang ating pamahalaan upang maresolba ang problema sa patubig.

Ang mga bansang iniimportahan natin ng bigas tulad ng Thailand at Vietnam ay dito sa Pilipinas nagsipa-aral o kumuha ng ideya ang kanilang mga rice technician. Narito kasi sa Pilipinas ang International Rice Research Institute (IRRI) at ang Philippine Rice Research Institute (PhilRice) na naitatag sa panahon ng dati at yumaong Pangulo Ferdinand E. Marcos.

Sa panahong iyon ay hindi tayo umaangkat ng bigas at tayo pa nga ang nagluluwas ng bigas sa Vietnam at Thailand. Pero ngayon ay nabaliktad ang pangyayari. Tayo na ang importer at sila na ang exporter ng butil. Talagang pana-panahon lang iyan tulad ng gulong ng buhay na kung minsan ay nasa ibabaw at kung minsan ay nasa ilalim.

SHARE
Previous articleP/Lt. Col. Rizalino Andaya, kinilala bilang Best Chief of Police
Next articleMayor Eladio Gonzales Jr., masipag at tapat na naglilingkod sa Balagtas
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here