INIS at galit ang naisalarawan sa anyo ng Pangulong Rodrigo Duterte, ng kanyang talakayin ang walang awang pagbaril at pagpaslang sa mag-ina, ng isang pulis, na ang insidente ay naganap sa Paniqui, Tarlac, kamakailan.
Sa kanyang isinagawang pagsasalita sa harap ng kanyang gabinete, sinabi niyang (ang naturang pulis) may sakit sa utak o may topak, bakit ika niya, ito ay nakalusot sa neuro (exam).
Maraming tao ang nakakita at nabigla sa walang-awang pamamaril ng pulis sa nai-post na video sa Social Media. Nakilala ang salarin na si Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca, at ang mag-inang kanyang pinaslang na sina Sonya Gregorio, 52, at Frank Anthony Gregorio, 25.
Ang nasabing pangyayari ay kinondena din ni DILG Secretary Eduardo Año, na nagsabing nakasisira sa maraming magandang nagawa ng kapulisan, lalo na ngayong panahon ng pandemya, na agad naman na sinang-ayunan ni Duterte.
Tsk! Tsk! Tsk! Nakapanlulumong balita, kahit na ordinaryong mamamayan na ating kinapanayam tungkol sa pangyayaring ito, ay pawang galit ang namumuo sa kanilang pananalita.
“Walang kalaban-laban ang mag-inang pinagbabaril! Anong klaseng tagapag-patupad ng batas iyan pulis na iyan! Isang mamamatay tao pala,” sambit ng isang galit na nakausap ng Katropa. Ang pulis na namaril ay naka-sibilyan at palagay ng iba, ito ay off duty noong nangyari ang pamamaslang.
May mungkahi ang Katropa, isailalim ng lubusan ang lahat ng kawal ng pamahalaan sa neurological examination o neuro exam. Batid naman natin na ito ay mandatory pero sana walang palakasan sa isinasagawang pagsusulit.
At ipagbawal ang pagyayabang, pananakot at lantarang pagdadala ng armas kung ang isang kawal ng Gobyerno ay ‘off duty’ o naka-sibilyan. Bigyan ng mabigat na kaparusahan ang sinumang susuway sa mungkahing ito.
Marami tayong mga naging kaalyadong pulis na naging heneral at mga kawal ng Pamahalaan noon na matitino. Ngayon lang ang Katropa, na nakakita ng ganitong pangyayari na kinasangkutan ng isang pasaway na pulis at kaawa-awang mag-ina. Sa matitinong pulis Mabuhay po kayo at sa mga pasaway ay magbago na kayo.
*****
Kalikasan, pinapanatiling malinisa LSJDM
Mula naman sa Lungsod ng San Jose Del Monte (LSJDM,) sa pagpapatuloy ng Manila Bay Clean-up, Rehabilitation, and Preservation Program (MBCRPP) ay nakiisa ang mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng San Jose del Monte, ito ay batay sa deriktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG.) Ito ay lingguhang paglulunsad ng cleanup drive sa ilog sa Barangay Dulong, upang mapanatili ang kalinisan ng mga ilog at pagsagip sa Kalikasan.
Tsk! Tsk! Tsk! Kalinisan ng kapaligiran ay dapat panatilihin.Gayundin ngayong kapaskuhan kahit panahon ng epidemya, ay kailangang ipagdiwang ang kapanganakan ng ating Poong Hesukristo, sumunod lang sa mga alituntunin ng Pamahalaan na lagiang isaisip at isagawa ang mga protokol na pangkalusugan.
Tayo ay manalangin sa Panginoon, umasang tayo ay lagiang gabayan at patuloy na magmahalan. Ika nga ni Mayor Arturo Robes sa kanyang FB post na hinalaw mula sa unknown: “Faith makes all things possible. Hope makes all things work. Love makes all things beautiful. May you have all the three for this Christmas.” Merry Christmas sa lahat ng ating mambabasa. Hanggang sa muli. (RONDA BALITA Online)