Unang pre-cast girder sa Balagtas station ng NSCR, naikalso na ng DOTR

0
63
Sinimulan na ang pagkakalso ng unang pre-cast girders sa mga naitayong mga poste sa magiging Balagtas Station ng North-South Commuter Railways Project. (Larawan mula sa Department of Transportation)

BALAGTAS, Bulacan — Naikalso na sa naitayong mga poste ang unang pre-cast girders sa magiging Balagtas Station ng proyektong North-South Commuter Railways (NSCR).

Pinangunahan ni Philippine National Railways (PNR) General Manager Junn Magno ang seremonya ng pagkakalso ng nasabing mga pre-cast girders bilang hudyat ng mas mabilis na konstruksiyon. Ito ang fabricated concrete girders na binubuo sa main construction yard ng kontratistang Sumitomo Mitsui Construction Corporation sa Calumpit

 Ayon kay Department of Transportation (DOTR) Assistant Secretary Goddes Hope Libiran, sunud-sunod nang ibibiyahe mula sa Calumpit ang mga pre-cast girders patungo sa mga may naitayong poste sa Balagtas at sa Malolos. Kapag nakumpleto ang pagkakalso at pagdudugtong ng mga pre-cast girders, magsisilbi itong elevated railway tracks na lalatagan ng 38 kilometrong salubungang riles mula sa Malolos hanggang sa Tutuban

Dahil sa magiging mas mabilis na ang konstruksiyon ng proyekto, humingi ng pag-unawa ang DOTR sa mga biyahero at motoristang dumadaan sa kahabaan ng Manila North Road o Mac Athur Highway, na asahan ang bahagyang pagbagal ng trapiko kapag dadaan ang mga trak na may lulan na pre-cast girders mula sa Calumpit.

Sa kasalukuyan, umaangat na sa mahigit 40% ang naitatalang progreso sa konstruksiyon nitong NSCR Phase 1. Patunay dito ang nasimulan nang pagtatayo ng mismong istasyon ng NSCR sa Malolos na katabi ng lumang istasyon ng PNR sa nasabing lungsod. Sunud-sunod na rin ang mga naitatayong mga poste sa kahabaan ng ruta sa Malolos, Guiguinto, istasyon ng Balagtas at sa Meycauayan.

Ang proyektong ito ay siyang bubuhay sa dating ruta ng tren mula sa Tutuban hanggang sa Malolos, na kalaunan ay idederecho sa Clark International Airport sa pamamagitan ng NSCR Phase 2. Nagkakahalaga ang NSCR Phase 1 ng P106 bilyon kung saan P93 bilyon ay pahiram na pondo mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA), at P13 bilyon ang pinondohan ng pamahalaan ng Pilipinas. Target mapaandar ang partial operation ng mga tren mula Malolos hanggang Tutuban sa taong 2022.

Source: PIA Bulacan/Shane Frias Velasco

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here