World Teachers’ Day, Ipinagdiwang para sa mga Volunteer Peace Educators

0
533

MANILA – Bilang paggunita sa World Teachers’ Day, nagkaroon ng online na pagdiriwang ang Voice of Peace PH kamakailan upang pahalagahan ang mga boluntaryong guro ng peace education sa Pilipinas.

Ang Voice of Peace PH ay inilunsad ng Heavenly Culture, World Peace, Restoration of Light (HWPL), isang pandaigdigang organisasyong pangkapayapaan, upang turuan ang mga kabataan na maging mga tagapagtaguyod ng kapayapaan sa pamamagitan ng libreng peace education.

Sa pamamagitan nito, nilalayon ng Voice of Peace PH na palakasin ang loob ng mga guro na naghahangad ng kapayapaan na magpatuloy sa pagboboluntaryo upang magturo ng peace education at maitaguyod ang “isang mabuting ugnayan” sa pagitan ng mga mag-aaral, mga boluntaryong guro, at mga magulang.

Ipinakita ng mga mag-aaral ang kanilang pasasalamat sa pamamagitan ng mga espesyal na pagtatanghal, mga mensaheng video, at mga awitin para sa kanilang mga guro.

“Nais po naming malaman n’yo na ang inyong epekto sa aming buhay ay hindi magtatapos sa dulo ng ika-12 aralin. Sa gayon, patuloy naming ibubuka ang aming mga pakpak bilang mga mensahero ng kapayapaan,” saad ni Zakiya Jayle Razo, isang mag-aaral sa ika-6 na baitang.

Dahil sa pandemya, naapektuhan ang sistema ng edukasyon sa bansa at naantala ang pagsisimula ng regular na klase sa mababa at mataas na paaralan.

Isa si Michi Revecho sa mga magulang na naghihintay ng muling pagbubukas ng klase. Iminungkahi niya na magkaroon ng online peace education upang maturuan ang mga bata ng “mabuting asal at tamang pag-uugali” dahil mayroon silang mas maraming oras ngayon sa bahay.

Ang peace education ay isa sa mga pangunahing hakbangin ng HWPL “upang ibahagi ang kultura ng kapayapaan”. Sa kasalukuyan, mayroong 50 na boluntaryong guro at 160 na mag-aaral ang nakatala sa buong bansa.

Ang mga pangunahing paksa ng 12 na aralin ng HWPL Peace Education ay tungkol sa pag-ibig, kapatawaran, kahabagan, pag-unawa, at paggalang sa mga nakatatanda, kabilang ang ‘Sanctity of Life’, ‘Loyalty and Filial Piety’, at ‘Coexistence and Sustainability’. Dito ay ipinapakita at itinuturo kung paano maisasabuhay ang mga pagpapahalagang pangkapayapaan sa personal na antas, pati na rin sa kanilang pamayanan.

“Maraming guro ang nagpahayag ng kanilang dedikasyon at hinimok nila ang kanilang mga kapwa guro na makilahok sa peace education.

Ang Voice of Peace PH ay magpapatuloy upang mas maraming kabataan pa ang maabot ng HWPL Peace Education kaya’t magbubukas kami ng isang panibagong batch sa darating na Enero 2021,” sabi ni Karen Kim, ang Direktor ng HWPL Peace Education sa South Seoul Branch.

Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring bisitahin ang Facebook page ng Voice of Peace PH: https://www.facebook.com/voiceofpeaceph/

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here