4 na miyembro ng carjacking group, patay sa engkwentro sa Pampanga

0
216

CITY OF SAN FERNANDO, Pampanga — Patay ang apat na hinihinalang miyembro ng isang kilabot na carnap group sa Central Luzon at Metro Manila matapos makipagpalitan ng putok sa pulisya sa isang engkwentro na naganap noong Huwebes ng madaling0araw sa Barangay Calulut dito sa nasabing lungsod.

Ayon kay Col. Andrew Aguirre, commander ng Central Luzon PNP-Highway Patrol Group, balak umano gumawa ng robbery at carjacking operation sa Pampanga ang naturang grupo bago sila mapatay sa engkwentro.

Aniya, mula pa Metro Manila ay nakunan sa isang surveilance camera ng PNP ang grupo na sakay sa isang kulay pula na Mitsubishi Mirage patungong Pampanga.

Binuntunan ng HPG ang sasakyan ng mga suspek hanggang sa makarating ito sa City of San Fernando.

Subali’t nakawala umano sa monitoring surveillance ng HPG ang kotse ng grupo na may nakakabit na isang nakaw na plaka (UQG-517). Ang nasabing kotse ay mayroong original na plaka  na NS3717.

Bunga nito ipinag-utos ni Aguirre sa Task Force Limbas ng PNP-HPG na maglatag ng isang provincewide dragnet operation para mahuli ang grupo.

Dakong alas-3 ng madaling araw namataan ng mga kagawad ng Task Force Limbas na nagmamantine ng check point sa By-Pass Road ng Barangay Calulut ang kotse ng grupo at sinita ang mga ito.

Ayon kay Aguirre, sa halip na huminto at sumuko ay nanlaban umano ang mga suspek hanggang sa mapatay ang mga ito ng kanyang mga tauhan.

Matapos ang engkwentro dumating ang mga tauhan ng SOCO mula sa PNP Regional Crime Laboratory Office, Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga para maproseso ang bangkay ng mga suspek.
Nakuha ng SOCO sa lugar ng pinangyarihan ang apat na baril ng mga suspek kabilang ang Mitsubishi Mirage na kotse.

Ang bangkay ng mga suspek ay dinala sa Yumul Funeral Parlor sa City of San Fernando para sa awtopsiya. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here