Bulacan, itinampok ang moderno, tradisyunal na mga sayaw at musika online

0
1475

LUNGSOD NG MALOLOS – Hindi napigil ng pandemya ang Lalawigan ng Bulacan sa pagtatanghal ng mga moderno at tradisyunal na sayaw at musika sa pamamagitan ng mga online platform bilang bahagi ng mga aktibidad sa buong linggong pagdiriwang ng Singkaban Festival.

Tinawag na Bulacan Online Dance Festival, itinampok sa aktibidad ang mga modernong sayaw at folkdances ng mga kilalang grupo ng mananayaw sa lalawigan kasama ang BASC Liping Tagalog Folkloric Group, Bulacan Ballet Academy, BulSU Dancesports Team, BulSU Entablado, BulSU Hyperdynamics, BulSU Lahing Kayumanggi Dance Troupe, FCPC Baliktanaw, Hiyas ng Hagonoy Folkloric Group, Indak Guiguintenyo, Kenyo Street Farm, LCUP Primemovers, LCUP Sandayog Dance Troupe, Sining Bulakenyo, Sining Tanglawan at Halili Cruz School of Ballet na ipinalabas noong Setyembre 10, 2020.

Samantala, ginanap naman kahapon ang online streaming ng Bulacan Brass Band Online Festival na nagtampok sa mga musikerong Bulakenyo habang tumutugtog ng iba’t ibang himig at sikat na mga kanta kabilang ang Hiyas ng Bulacan Brass Band, San Migue National High School Brass Band, Angat Community Band, San Roque Band, Saint Joseph Band, Sacred Heart Academy Brass Band, Banda 88, Apo Ana Brass Band, Banda 31 Kapisanan Ligaya, Banda 31 Original of Santa Maria, Kapisanan Banda, Dakila Brass Band at BulSU Symphonic Band.

Ayon kay Dr. Eliseo Dela Cruz, pinuno ng Provincial, History, Arts, Culture and Tourism Office, patuloy ang kanilang tanggapan sa pagsasagawa ng mga programa upang mapanatiling buhay at ikintil ang mayamang sining at kultura ng lalawigan sa mga susunod na henerasyon.

“May Singkaban man o wala, tuluy-tuloy pa rin ang mga programang katulad nito para sa ating dakilang lalawigan na tunay namang maipagmamalaki natin,” ani Dela Cruz.

Aniya, ang mga konsiyertong ginanap online ay nakalathala sa Facebook pages ng PHACTO Bulacan at Bulacan Arts and Culture.

Samantala, sinabi naman ni Fernando na hindi malulupig ng pandemya ang pagmamahal ng mga Bulakenyo sa kanilang kultura sapagkat nakahanap pa rin ng dahilan upang ipagdiwang ang Singkaban Festival.

“Ngayon, napatunayan natin na hindi kayang talunin ng pandemya ang pagmamahal sa kultura at talento ng liping Bulakenyo. Sa bawat sining, musika, pag-indak at panitikan na ating itinatampok sa Singkaban Festival, patuloy nating binibigyang parangal ang mahabang kasaysayan ng kadakilaan at kalinangan ng ating ipinagmamalaking lahi,” anang gobernador.

Bukod sa mga konsiyerto at pagtatanghal, kasama rin sa buong linggong selebrasyon ang iba pang mga programa na ginanap online tulad ng ‘Discover Flavors of Bulacan’ kung saan itinanghal dito ang mga lahok na video presentation ng food discoveries at sari-saring sikat na masasarap na pagkain na gawang lokal sa mga bayan at lungsod sa lalawigan; “Pasyal Saya sa Bulacan: Virtual Tour of Bulacan” kung saan ang mga makasaysayan at mga sikat na pasyalan at destinasyon ay itinanghal sa pamamagitan ng mga audio visual presentation.

Dagdag pa dito, naglunsad rin ang Department of Tourism Region III at PHACTO ng libreng webinar sa pamamagitan ng Zoom application para sa mga Bulacan Tourism Stakeholders na may pamagat na Filipino Tourism Frontliner Version 2.0: A Journey Towards Recovery and Resiliency na nakatakda sa Setyembre 15-17, 2020 mula alas 9:00 hanggang alas 11:30 ng umaga kung saan ang mga Bulakenyong nagparehistro ay maaaring mag-access sa mga kurso online at makakuha ng sertipiko ng pagdalo matapos makumpleto ang online course evaluation. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here