Bulacan, tumanggap ng 3 milyong face masks at libu-libong mga goods

0
271
Ipinakita ni Goberndor Daniel R. Fernando ang ilan sa tatlong milyong piraso ng non-medical cloth face mask na donasyon mula sa Tanggapan ng Pangulo sa ilaim ng programang “Mask Para sa Masa” kasama sina Asec. Domenic Tolentino, Jr. (pangalawa mula kaliwa) ng Department of Trade and Industry at USec. Rene Glen Paje (gitna) ng Department of Social Welfare and Development sa ginanap ng ceremonial turn over sa Bulacan Capitol Gymnasium, Lungsod ng Malolos, Bulacan. Kasama rin sa larawan sina Provincial Social Welfare and Development Officer Rowena J. Tiongson, Brig. Gen. Andrew O. Costelo at iba pang mga kinatawan mula sa DSWD. (Larawan mula sa Provincial Public Affairs Office)

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Tatlong milyong piraso ng mga face mask ang ipamamahagi sa mga Bulakenyo mula sa Tanggapan ng Pangulo sa pamamagitan ng programang “Mask Para Sa Masa” sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa isinagawang ceremonial turn over kamakailan sa Bulacan Capitol Gymnasium dito.

Ang Masks Para sa Masa ay programa ng pamahalaang nasyunal na naglalayong magbigay ng mga libreng face mask upang maproteksyunan ang anim na milyong mahihirap na pamilya o mahigit 35 milyong indibidwal sa bansa laban sa COVID-19 at upang makapagbigay ng kabuhayan sa mga micro, small and medium enterprises, mga kooperatiba at iba pa.

Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Officer Rowena J. Tiongson, tumanggap ang Bulacan ng may kabuuang 3,265,167 piraso ng mga non-medical cloth na face mask na ipamamahagi sa 653,033 pamilya kasama na ang mga benepisyaryo ng ESP SAP, 4Ps, UCT SOcPen at Listahanan sa pamamagitan ng mga itinalagang mga city/municipal social welfare development officer ng bawat yunit ng pamahalaang lokal.

Ipinahayag naman ni Gobernador Daniel R. Fernando ang kanyang pasasalamat sa pamahalaang nasyunal at sinabing ang mga naturang face mask ay siguradong makatutulong sa pagsugpo sa paglaganap ng virus.

“Lubos po ang aking pasasalamat sa pagkakaloob ng mga libreng face mask na ito para sa mga Bulakenyo. Magiging kabawasan din ito sa mga pang araw-araw na gastusin ng ating mga kalalawigan, lalo na dahil sa proteksyong maidudulot nito sa mga tao dahil ang simpleng pagsusuot ng face mask ay makapagliligtas sa ating sarili at sa ating kapwa,” anang gobernador.

Tumanggap din ang Pamahalaang Panlalawigan ng mga donasyon mula sa Pitmaster Foundation, Inc. noong Lunes kabilang na ang 10,000 piraso ng noodles, 10,000 piraso ng sardinas, 1,000 sako ng 25 kilo na bigas at isang ambulansya habang ang Guerrero Brothers naman ay nagbigay ng 400 sako ng 25 kilo na bigas 10,000 piraso ng noodles at sardinas na ipamamahagi rin sa mga Bulakenyo. (RONDA BALITA Online) 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here