Bulacan tumanggap ng 900 na bakuna ng Sinovac kontra Covid-19

0
166
Nailapag na sa Bulacan Vaccination Center sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Malolos ang 900 vials ng mga bakunang Sinovac na mula sa People's Republic of China. (Larawan ni Shane F. Velasco)

LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan — Dumating nitong Sabado ng hapon (March 6) sa Bulacan ang 900 doses ng Sinovac vaccines na bahagi ng ibinigay kamakailan ng People’s Republic of China sa ating bansa.

Kinumpirma ni Dr. Hjordis Celis, hepe ng Response Cluster of the Provincial Task Force against COVID-19 sa Bulacan, sila ang naka schedule na unang bakunahan ng Sinovac vaccines sa Lunes (March 8) kung saan kasama rin nila na babakunahan ang mga health workers ng Bulacan Medical Center at maging ng mga district hospitals sa lalawigan.

Ang nasabing bakuna ay nakalagay sa dalawang units ng Biothermal Packaging System kung saan ang bawat isa nito ay naglalaman ng 450 na vials ng mga bakuna at ito ay inihatid ng isang van ng Department of Health na may security escort ng Philippine National Police.

Uunahing bakunahan ang may 833 na mga medical frontliners ng Bulacan Medical Center.

Ang mga na-deliver na bakuna ay para lamang sa unang turok o unang dose. Habang magkakaroon ng pangalawang deliver para sa second dose.  

Nauna rito, matatandaan na naglaan rin ng P130 milyong standby fund ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan para ipambili ng bakuna laban sa COVID-19, sakaling kailangang punan ang suplay sa 21 bayan at tatlong mga lungsod ng lalawigan.

Sinabi ni Gob. Daniel Fernando na minabuti ng pamahalaang panlalawigan na maihanda ang nasabing pondo upang matiyak na mapabakunahan ang may 2.5 milyong kwalipikado sa loob ng mahigit tatlong milyong populasyon ng Bulacan.

Ayon sa gobernador ang pamahalaang nasyonal ang mangunguna sa malawakang pagbabakuna, at may mga pamahalaang lokal sa Bulacan na bibili ng kani-kanilang mga suplay, ang Kapitolyo naman ang pupuno sakaling kailanganin pa ng karagdagang suplay. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here