Community pantry nagkaroon ng ‘domino effect’ sa iba pang lugar

0
156
TAKLESA, an opinion column by Roseth Reyes

MATAPOS na mag-viral ang community pantry na ibinahagi ng Maginhawa Street sa Quezon City sa pangunguna ni pantry organizer Ana Patricia Non, may mga lugar na rin ang tumulad.

Tila mga kabuteng nagsulputan ang mga community pantries sa lahat ng parte ng bansa at maging dito sa lalawigan ng Bulacan.

At dahil dito, namayani ang Bayanihan kaugnay ng kinakaharap na kahirapan sa bansa bunsod ng pagtaas pa rin ng kaso ng COVID-19.

Ang pagsulpot ng community pantry ay magandang pambukas sa isipan ng mga nakakaluwag at sobra-sobra ang biyaya sa buhay.

Maaaring makatulong sa pamamagitan ng mga itinayong pantry. Dadalhin lamang doon ang ipamamahagi at marami nang makikinabang.

Para sa akin, mas masarap sa pakiramdam kapag ako ang tumutulong kaysa ako ang tinutulungan.  

Sa kasalukuyan, nagsulputan ang maraming community pantry mula una hanggang ika-apat na distrito ng lalawigan at karatig na probinsiya.

Marami nang Bulakenyo ang kumakalam na sikmura ang malalamnan. Hindi na kailangang lumayo pa para makatulong sa mga nangangailangan.

Maging ang mga kaparian, kapulisan, bombero, mga non government organizations at mga kabataan ay naglalagay na rin ng mga kanya-kanyang community pantry para sa mga taong naghihikaos at nangangailangan.

Dumami at nadagdagan pa ang mga taong may ginintuang kalooban. Mag taong naging katuwang ng Panginoon para maibaba ang kabutihan at maipadama sa sanlibutan.

Maging dito sa lungsod ng Malolos ay marami na ring mga barangay at pribadong tao ang nagtayo ng mga sariling community pantry at ilan dito na aking napansin ay ang Look 1st at Lugam Community Pantry, Catmon, Kratos Community Pantry, Kenyos Community Pantry
Mobile Hope Project, Caniogan, Matimbo, Dakila, Liang Community Pantry, Tabing Ilog 1st Bulihan Community Pantry at ang sa aking kasamahan sa trabaho, ang mag-asawang Theofel at Lalaine Santos — TSO TV Onlinews Community Pantry.

Tunay na nakakatuwa at nakakabilib ang mga taong nais tumulong na hndi naghihintay ng kapalit. Ang taning hangad lang nila ay mabiyayaan ng sapat ang kanilang kapwa.

Ayon nga sa mag-asawang Theofel at Lalaine Santos, “Magbigay ayon sa kakayahan, Kumuha batay sa pangangailangan.”

Saludo po ang pitak na ito sa mga nanguna at nagtayo ng community pantry sa kanilang lugar. Pagpalain nawa kayo ng Poong Maykapal.

Hanggang sa susunod na isyu po ng RONDA Balita, ang Lingguhang Pahayagan ng masang Bulakenyo.

Para sa ibang balita, maglog-on sa www.rondabalita.news.

Babu!  

Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0917-205 -3350. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here