DILG binalaan ang publiko sa pekeng ‘Pfizer vaccine’

0
56

BINALAAN kahapon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units (LGUs) at ang publiko laban sa pekeng ‘Pfizer vaccine.’

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año sa lahat ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan hanggang sa barangay level na maging maingat at mapagbantay matapos na mag-isyu ang World Health Organization (WHO) ng alerto hinggil sa posibleng paglipana sa merkado ng mga pekeng Pfizer COVID-19 vaccines.

Partikular na pinag-iingat ni Año ang mga lokal na punong ehekutibo hinggil sa kanilang ‘vaccine sources’ o ‘chain of supply’ at pinaalalahanan na ang lahat ng medical products, lalo na ang mga COVID-19 vaccines ay dapat na bilhin lamang sa mga awtorisado at lisensiyadong suppliers.

Sinabi ng kalihim na bagama’t wala pa namang impormasyon hinggil sa presensiya ng pekeng bakuna sa bansa, dapat na ring ma­ging alerto dito ang mga lokal na opisyal at mga mamamayan dahil mapanganib ito sa kalusugan.

Inatasan na rin naman ng kalihim ang Philippine National Police (PNP) na magkaloob ng kaukulang tulong sa pag-iimbestiga at kaagad na pagkum­piska sa mga pekeng COVID-19 vaccines.

Nauna rito, nag-isyu ang WHO ng global medical pro­duct alert hinggil sa pinipekeng COVID-19 vaccine na may product name na “BNT162b2” at nagsasabing gawa ito ng Pfizer Biontech.

Nagsasagawa na umano ang WHO ng laboratory analysis sa sangkap ng pekeng bakuna at tiniyak na kaagad na maglalabas ng update hinggil dito.

Source: Pilipino Star NGAYON

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here