Gobyerno ’di dapat isuko ang mga investment sa ecozones

0
108
Opinion Column by Thony DP Arcenal.

MGA kabayan, tinawag ni Senador Imee Marcos na mapangahas ang patakaran ng mga economic manager ng bansa na ipaubaya na sa pribadong sektor ang inisyatibo sa paglikha ng mga economic zone para makahikayat ng mga foreign investor.

Lumabas kasi ang mga patakarang ito kamakailan sa kasagsagan ng pagdinig ng Senate Committee on Economic Affairs na tumatalakay sa mga panukalang batas para sa pagtatayo ng mga bagong ecozones at freeports sa Ilocos Norte, Cavite, Surigao del Sur at Saranggani provinces.

Sinabi ng senadora na siyang chair ng nasabing komite, na nabuking niya sa hearing na nasa 84 ecozones sa bansa mula pa noong 2016 ang inisyatiba pala ng pribadong sektor, ayon sa testimonya ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA).

Malinaw pa sa sikat ng araw ang 84 ecozones ay gawa ng pribadong sektor at wala ni isang ginawa ang ating mga economic managers? Haisssssst, kawawa mga Filipino!

Sinabi rin sa naturang hearing ni Department of Finance (DOF) policy and research director Juvy Datufrato na intensyon ng ahensya na ipakarga o ilipat na sa pribadong sektor ang pinansyal na pasanin ng gobyerno.

Dahil dyan mga ’igan, nanghihinayang si Sen. Marcos, na nawawalan tuloy ng pagkakataon na kumita at makalikha ng maraming trabaho, lalo na sa mga malalayong probinsya, dahil sa nasabing pagtanggi na sa mga lokal na pamahalaan na nagnanais na makapagtayo ng ecozones.

At base sa report ng UNCTAD World Investment noong 2020, lumitaw na mula sa $8.7 billion noong 2017 nabawasan o mas bumaba pa sa $5 billion noong 2019 ang foreign direct investment (FDIs) sa Pilipinas.

Aniya, kung ikukumpara natin ’yan sa pagtaas naman ng FDIs sa iba pang Asean nation na tulad ng Indonesia, Malaysia, Cambodia, lalo na ang  Vietnam na kumita ng nasa $16.1 billion,”.

Igan, malinaw rin na “paliit ng paliit ang bayong ng foreign investment sa Pilipinas, pero hindi nakitang solusyon ng economic managers natin ang mga ecozone sa panahon na gipit na gipit at kapos sa kita ang gobyerno. Kailangan nating mabawi ang ating mga pagkalugi.”

Ayon sa senadora, triple ang banta sa paglago ng dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas dahil sa Covid-19 pandemic, US-China trade war at walang katiyakang dulot ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) bill.

“Wala nang dahilan pa para hindi aprubahan ang ecozone, kung mismong ang Department of Finance na namumuno sa FIRB  (Fiscal Incentives Review Board) na magdedesisyon kung anong kumpanya ang makakakuha ng insentibo at kung ano ang ibibigay karapat-dapat na insentibo.”

“Ang problema kasi, ang trato ng ating mga economic manager sa tax incentives ay mga gastos lang kaysa mga investment sa potensyal ng  Filipino exports.”

Matapos ihayag sa hearing ni National  Economic Development Authority assistant secretary Greg Pineda na P441 bilyong piso ang nawalang kita ng gobyerno dahil sa incentives.

At habang hinihintay ang lagda ni Pangulong Duterte sa CREATE Bill, nakatengga ang mga bagong proyekto at plano ng mga foreign investors para palawakin ang negosyo na 60% ng kabuuang taunang investment na inaprubahan ng PEZA.

“Magiging mas malapit sa foreign investors sa China at Japan ang mga ecozone mula Ilocos Norte hanggang Saranggani,” ani Marcos, na nagsabi ring nagpahayag na ng interes ang mga Chinese at Japanese investors na mamuhunan ng $100 billion sa Surigao del Sur.

Gayunman mga kabayan, “dapat nating muling ikonsidera ang napakahigpit na polisya hinggil sa ecozones at ang mga kakarampot namang insentibo.”

Para sa inyong mga reklamo at reaksyon, mag-email lamang sa thony.arcenal@gmail.com. (RONDA BALITA Online) 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here