Kailangang kumayod kahit may coronavirus

0
79
EXTRA FONTS, an opinion column by Manny Camua Dela Cruz

HINDI mapipigil ang mga obrero na lumabas ng kani-kanilang mga tahanan para magtrabaho upang may maipakain sa kanilang mga pamilya at kung hindi gagawin ang gayon ay sa gutom mamamatay ang kanilang mga kapamilya, hindi lang sa Covid 19.

Kahit nasa ilalim tayo ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ay pinayagan naman ng IATF na buksan ang industriya upang makapagtrabaho ang mga manggagawa sa pabrika, konstruksiyon at iba pang larangan ng paghahanapbuhay subalit minimal lamang ang bilang ng mga trabahador na pinayagang magtrabaho.  Maging sa transport industry ay gayon din. Hindi puwedeng magsakay ng marami ang mga pampasaherong sasakyan.dahil na rin sa pinaiiral na restriksyon.

Noong nasa ilalim pa tayo ng General Community Quarantine ay naging relax o kampante ang ating mga kababayan. Halos mapuno ang mga mall, beaches at iba pang establisimyento na dinadagsa ng mga tao.

Pero nang sumirit pataas ang bilang ng mga taong tinatamaan ng bagong variants ng SarsCov-2 ay muling ibinalik ng gobyerno ang National Capital Region, kasama ang mga kanugnog nitong lalawigan sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) upang mapabagal ang pagdami ng mga taong nagkakasakit ng Covid 19 desease.

Makaraan ang dalawang linggo ay ibinaba ang restriksyon sa MECQ, subalit malaki pa rin ang bilang ng mga taong nagkaka-covid dahil nga sa mabilis ang kontaminasyon ng new variants ng Covid 19 at tumaas pa nga ang bilang ng mga taong namamatay na related sa nasabing karamdaman.

Sa kabila ng lahat na ito, patuloy namang nagsisikap ang mga kababayan nating manggagawa na makapagtrabaho at kumita. Lubhang mapanganib ang lumabas ng bahay at makihalubilo sa mga tao, pero walang magagawa ang mga obrero kungdi ang makipagsapalaran.  Kaysa magutom nga naman ang kanilang mga mahal sa buhay.

Pero ang katotohanan ay hindi mapasusubalian na ang mga obrero na rin ang nakapag-uuwi ng virus sa kanilang mga kasama sa bahay. Kung sila man ay infected ng Covid 19 at hindi kinakikitaan ng anomang sintomas, sila ay asymptomatic at sa ganitong kalagayan ay nalalagay sa peligro ang mga kasama nila sa bahay na mahina ang resistensiya, tulad ng mga senior citizen at may commorbidities.

Tanggap naman ng mga obrero ang kaisipang ito, pero doon sa mga trabahador na ipinagwawalang-bahala ang mga pag-iingat na dapat gawin ay sila ang naglalagay sa peligro sa kanilang mga mahal sa buhay. Baka nga pag-uwi nila ng bahay galing trabaho, nakasalamuha ng mga pasahero sa LRT/MRT, bus o jeepney ay taglay na nila sa kanilang mga katawan ang coronavirus.

Ito ang mahirap na parte para naman sa mga kasama sa bahay ng mga trabahador. Tamang hindi sila lumalabas ng bahay dahil sa takot na mahawaan ng virus pero ang kasama pala nilang trabahador ang magdadala o maghahawa sa kanila. Iyan ang new normal — palaging kasama sa takbo ng buhay ang peligro mula nang magka pandemya sa Pilipinas. (RONDA BALITA Online) 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here