Marami pa ring paglabag sa ECQ implementation

0
122
EXTRA FONTS, an opinion column by Manny Camua Dela Cruz

NITONG nakaraang mga araw sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong lalawigan ng Bulacan at mga karatig na lugar ay marami pa rin ang hindi makasunod sa health protocols na ipinatutupad ng kapulisan, ng barangay frontliners at ng LGUs.

Pilit pa ring iginigiit ng mga pasaway ang kanilang baluktot na katwiran kesyo, bibili lang ng gamot, kukuha ng pera sa remittance center at marami pang mga alibi na hindi kapani-paniwala.

Lumalabas pa rin ang mga menor de edad at mismong mga magulang ng mga paslit ang nagsasama sa kanilang mga anak na lumabas. Kapag sinita naman ay sila ng mga frontliner ay sila pa ang nagagalit pero kapag inaresto naman ay magdadrama na animo artista sa drama sa radyo na todo kung makaiyak.

Maraming dahilan, hindi maubos ang mga dahilan ng mga pasaway. Hindi kasi nila alintana ang Covid 19 dahil hindi pa sila tinatamaan. May mga pilosopo pa na nagsasabi na hindi raw tatalab ang covid sa kanila, lalo na ang mga kalalakihan na kung bansagan ay ‘sunog-baga’.  Kaya raw patayin ng alkohol ang virus kaya iinom sila nang iinom ng alak.

Ang hindi nila alam, nagsisimula ang paghahawahan sa pagkukumpulan tulad ng tagayan sa inuman. Umiinom sila ng alak sa isang baso lamang; sa isang kutsara na gamit sa pulutan kaya kung asymptomatic sa covid ang isa sa sampung nag-iinuman ay tiyak na mahahawa ang siyam.

Iyang pagsusuot na face mask ay sa kalsada lang nila ginagawa o kung mamimili ng paninda sa mga pamilihan. Pansinin ninyo sa inyong mga looban kung may mga pamilya na nagsusuot ng face mask sa kanilang mga lugar, karamihan ay walang suot na face mask habang nagtsitsikahan.

Papaano natin mapahihina ang coronavirus kung ang mga Pinoy na mismo ang nagpapalakas sa deadly virus na ito. Kung natatandaan pa natin ang mga anunsiyo ng mga dalubhasa noong nakaraang taon na kapag ang covid ay pumasok sa isang tao, ito ay mananatili sa loob ng katawan ng kanyang host sa loob ng 14 na araw.

Sa pagdaan ng mga araw bago matapos ang 14-days period ay lumalaban ang immune system ng taong infected ng virus. Kapag malakas ang antibodies ng taong infected ay hihina ang Covid 19 kaya obligado ang mga virus na ito na humanap ng ibang host o taong malilipatan upang sila ay muling makapagpalakas at hindi mamatay.

Ganyan ang simpleng paglalarawan sa kalagayan ng Covid 19. Nagpapalipat-lipat sila sa mga tao upang mapanatili ang kanilang lakas kaya nga iniuutos ang social distancing at pagsusuuot ng face mask upang hindi makalipat ang virus sa ibang katawan.

Tandaan po natin, nasasaatin ang ating kaligtasan. Kung hindi tayo mag-iingat at patuloy na magiging pasaway ay talagang hindi tayo iiwan ng coronavirus at patuloy din silang mag-iiba ng anyo sa pamamagitan ng mutation o lilikha ng iba’t ibang variants tulad ng nangyayari sa kasalukuyan. (RONDA BALITA Online)

Previous articleLaban sa hiwaga ng kadiliman
Next articleHanggang kailan natin lalabanan ang COVID-19?
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here