Medal of Valor benefits para sa pamilya ng SAF 44, ’di dapat atrasado

0
188
Opinion Column by Thony DP Arcenal.

MGA kabayan umapila si Senador Imee Marcos kay Presidente Rodrigo R Duterte na tiyakin na hindi atrasado ang mga Medal of Valor benefits para sa mga naulila ng 44 Special Action Force (SAF) commandos na namatay sa 2015 Mamasapano tragedy.

Ipinagkaloob kamakailan sa 44 na SAF commandos ang pinakamataas na karangalang militar halos anim na taon na ang nakalipas.

Nito lamang nakaraang Lunes mga ’igan ay ginunita sa Taguig ang ika-anim na taong anibersaryo ng naganap na trahedya sa mga sundalo sa munisipalidad ng Maguindanao.

Naganap sa gitna ng “bara-bara” o bahala nang operasyon ng mga pulis para madakip ang mga teroristang si Zulkifli Abdhir alias Marwan at Basit Usman.

Dahil diyan mga kabayan “patuloy ang hinanakit ng mga pamilya ng magigiting na SAF 44 na naghihintay pa rin ng hustisya at ng atrasadong tulong pinansyal sa pang-hanap-buhay at sa edukasyon ng mga naiwang anak.”

Sa puntong yan mga ’igan, sinabi ng senadora na lubhang “napakapersonal ng isyung ito sa kanya dahil marami sa SAF44 ay mga taga-Norte at kabilang sa mga IPs o indigenous peoples. Si Sen. Marcos, kasi ang pinuno ng Senate Committee on Cultural Communities.

Matatandaan na naging napaka-emosyonal ang Mamasapano encounter nang isiwalat ng media na hindi lang inotorisahan ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang suspendidong National Chief na si Purisima ng isagawa ang operasyon sa teritoryo ng mga rebelde,

At wala rin umano itong ginawa para isalba  ang SAF44 kahit marami pang oras matapos ang paulit-ulit na paghingi ng mga ito ng tulong o saklolo.

Malinaw pa sa sabaw ng pusit mga ’igan, na “pinabayaang mamatay ang SAF 44 na animo’y mga tao-tao lang sa video game,” haisssssst… teribleng liderato, hari ng sablay.

Mas lumala pa ang isyu makaraang kumalat ang video footage sa social media na nagpapakita nang gutay-gutay na katawan ng ilang tauhan ng SAF matapos silang maabutan ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, Moro Islamic Liberation Front, at private armed groups na nag-poprotekta kay Marwan at Usman.

Gayunman, “Hindi na natin malalaman kung ano ang huling hiling ng bawat isang nasawi sa Mamasapano. Ngunit hindi natin dapat ilibing ang pag-asa ng mga naulila na makamit ang hustisya,”

At ang masakit na katotohanan, inabsuwelto si dating Pangulong Benigno Aquino III sa kasong reckless imprudence resulting in homicide noong 2017, ngunit sinabi ng Office of the Ombudsman na puwede pa rin magsimula ng panibagong imbestigasyon.

Kung saan nadawit rin sa kaso sina dating PNP chief Alan Purisima at dating SAF chief Getulio Napeñas Jr., ngunit pinaboran sila ng Sandiganbayan nitong nakaraang taon at absuwelto rin. Naku naman balewala lamang ba ang buhay ng mga special forces na ito?

Sana ay may tumindig na kinatawan o asawa ng SAF44 upang usigin ang mga may kinalaman sa pagkamatay ng mga pulis na mistulang ipinain sa kamatayan.

Bueno, abangan natin ang mga susunod na kabanata sa usapin na ito.

Para sa inyong mga reklamo at reaksyon mag send lamang sa thony.arcenal@gmail.com. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here