Mga bilihin di pa rin abot-kaya, inflation rate patuloy ang pagbaba

0
58
Opinion Column by Thony DP Arcenal.

MGA kabayan, kinuwestiyon ni Senador Imee Marcos ang hindi pagkakatugma ng mataas pa ring presyo ng pagkain sa mga palengke sa iniulat na pagbaba sa inflation rate ng bansa.

Si Sen. Marcos kasi ang pinuno ng Senate Committee on Economic Affairs, aniya dapat tapyas na ang mga presyo ng pagkain dahil malaki ang epekto ng mga ito sa pagkalkula ng inflation rate na sinasabing bumaba na sa 4.5%.

Igan, “totoo kaya yung sinasabi ng NEDA (National Economic Development Authority) sa inflation rate? Kasi ’di ramdam sa palengke at grocery!”

Kasabay nito’y kinalampag ng senadora ang Department of Trade and Industry (DTI) dahil sa nananatiling mataas ang presyo ng pagkain kahit na rin inalis na sa ECQ o enhanced community quarantine sa Metro Manila at apat na karatig probinsya na tinawag na NCR Plus bubble.

Kabayan, iginiit ni Marcos na tila kumukuyakoy na naman ang DTI at papetiks-petiks kaya namamayagpag na naman ang mga mapagsamantalang negosyante.

“Heto na naman tayo, wala na namang nag-iikot na DTI at nanghuhuli, tila natutulog naman sa pansitan,” ani Sen. Marcos.

Nanindigan pa si Marcos na mas dapat paigtingin ngayon ng DTI ang bantay-presyo dahil wala nang perang pambili ang mga tao, sabay banggit na nasa 4.2 million ang bilang ng mga walang trabaho at 6.6 million ang naghahanap ng dagdag trabaho, base sa rekord ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Isang linggo bago ipatupad ang ECQ noong March 29 sa NCR Plus bubble, ang presyo sa palengke kada kilo ng pork liempo ay nasa P320-P370, ang pork kasim nasa P300-P350, ang bangus nasa P130-P185, tilapia nasa P100-P150, alumahan nasa Php240-Php300, habang ang manok ay nasa P165-P200.

Nitong Biyernes, tumaas ang mga presyo hanggang P420 sa pork liempo, P380 sa pork kasim, P200 sa bangus, P340 sa alumahan, habang pareho pa rin sa tilapia, at bumaba lamang sa P130-P180 ang manok.

Hindi dapat mapako sa pa-update-update lang ng e-presyo o online price monitoring, sa halip mas epektibo anya kung linggo-linggong gawin ang suprise inspection ng DTI sa ibat-ibang palengke, at kung may lumabag, agad na sampolan at hulihin.

Dapat lamang talaga na magkaroon ng malinaw na vision, ang mga ahensyang natutulong daw sa pansitan.

Para naman matugunan ang kakulangan sa taong bayan serbisyong totoo ang kailangan.

Para sa inyong mga reklamo at reaksyon mag-email lamang sa thony.arcenal@gmail.com. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here