Nasaan kaya ang ‘ENDO’ ng DOLE?

0
183
Opinion Column by Thony DP Arcenal.

NAKALULUNGKOT mga kabayan, dahil ang ipinangangalandakan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na wala nang iiral na “ENDO” sa mga manggagawa sa buong bansa, ’eh, heto at tuloy-tuloy at walang puknat ang pagtanggal sa mga manggagawa kahit panahon ng pandemya.

Tulad ng pagtanggal sa mga kawani ng Philippine Airline, sa mga kawani ng Philip Morris, at ang pagtanggal sa mga skilled workers ng Fil-First na dating Frey-Fil Corporation sa bayan ng Calumpit, Bulacan.

Ang sinasabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, nakausap na daw nya ang mga management na nagsarang kumpanya na dapat daw ay ibigay ng dalawang kumpanya ang separation pay at iba pang benepisyo sa mga natanggal na empleyado.

Hindi naman natin masisi ang mga kumpanyang ito dahil talagang bagsak ang ekonomiya ng bansa at tulad ng airport bihira lamang ang mga flights dahil sa COVID-19.

Bihira na ang mga turista na bumisita sa ating bansa dulot ng pandemya, kaya na lay-off ang mga trabahador.

Dagdag pa diyan ang bagong variant ng COVID-19 mula sa United Kingdom at ang paglalagay sa travel restrictions ng ibat-ibang mga bansa na dahilan din ng mabilis na pagbulusok ng mga hanap-buhay.

At ang isang malupit na kasaysayan ay ang sinasabing ENDO ng labor department na bawal ang pagtatanggal sa tabaho, pero tuloy-tuloy pa ring nangyayari.

Drawing nga kaya ang ENDO ng DOLE? Ano sa palagay n’yo mga kabayan?

Tulad nang ginawa ng kompanyang Frey-Fil Corp, na pinalitan ng First-Fil. Corp., kahit umabot ka ng sampung taon sa trabaho at skilled worker, kailangan mong lumagda sa bagong kontrata at kung hindi ka susunod sa gusto ng kompanya ay sapilitang aalisin ka sa trabaho.

Ang tanong d’yan mga ’igan ay kung ano ang pinirmahan nilang kontrata simula ng sila’y magtrabaho o ano ang kanilang mga kasunduan.

Sa munting kaalaman ng inyong lingkod mga kabayan, kapag ang isang trabahador ay contractual, halimbawa natapos ang kontrata ng anim na buwan at nagpatuloy ang inyong pagtatrabaho, ng wala kayong pinipirmahan na kasunduan.

Malinaw pa sa  sabaw ng pusit na kandidato ka na sa pagiging regular na empleyado. Basta lumampas ka ng isang araw at oras, may laban ka na sa kompanya, lalo na kung ang kinakaltas na mga social benefits tulad ng SSS at Pag-IBIG contributions ay hindi naman inihuhulog ng iyong employer.

Ayon naman kay Labor Asec. Nicky Tutay, may mga employer na via kontrata ang paraan nila upang makaiwas sa malaking obligasyon sa mga trabahador.

Gayunpaman, tiniyak ni Asec. Tutay na may makukuha na halagang P5,000 ang mga empleyado na tinanggal o inalis sa kanilang mga trabaho.

Ang programa alinsunod sa kagustuhan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte, na makatulong sa mga maliliit na mangagawa,

Para sa inyong mga reklamo at reaksyon, mag-email lang sa thony.arcenal@gmail.com. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here